INIHAYAG ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na plano ng Kamara na kumuha ng private litigators upang tumulong sa prosecution panel sakaling umusad sa Senado ang impeachment trial laban kay Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, bagamat may mga abogado sa House of Representatives of the Philippines, kailangan ang karanasan sa aktwal na paglilitis dahil magiging pormal na trial ang proseso sa Senate of the Philippines.
Sinabi niya na sa ilalim ng impeachment rules, dapat ay may 11 public prosecutors mula sa Kamara, ngunit walang pagbabawal sa pagkuha ng karagdagang legal experts.
Dagdag pa ni Luistro, inaasahan din na kukuha ng batikang abogado ang kampo ng Bise Presidente para sa depensa.
Pinag-isang Articles of Impeachment
Kinumpirma ni Luistro na pagsasamahin ang dalawang impeachment complaint laban kay Sara Duterte sa isang consolidated Articles of Impeachment.
Ayon sa mambabatas, layunin nitong gawing mas simple at komprehensibo ang proseso matapos aprubahan ng komite ang parehong reklamo na may probable cause.
Nakatakdang talakayin ng House Committee on Justice sa Mayo 4 ang committee report at resolusyon bago ito isumite sa plenaryo.
Binigyang-diin ni Luistro na kailangang bigyan ng sapat na panahon ang mga mambabatas upang pag-aralan ang mga dokumento at ebidensya bago ang botohan.
‘Higit Pa Sa Sapat Na Due Process’
Nanindigan din ang House Committee on Justice na nabigyan ng sapat na due process si VP Sara Duterte sa impeachment proceedings.
Ayon kay Luistro, mula sa simula ay sinunod ng komite ang lahat ng legal na hakbang at paulit-ulit na inimbitahan ang Bise Presidente sa bawat yugto ng presentasyon ng ebidensya.
Sinegundahan ito ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima, na nagsabing hindi maituturing na paglabag sa due process ang hindi pagdalo kung may pagkakataon namang makasagot ang respondent.
Dagdag naman ni Manila Rep. Benny Abante, naging maingat pa ang komite dahil hindi nito ginamit ang kapangyarihan ng subpoena o contempt laban kay Duterte.
Nagkaisa rin ang House Committee on Justice upang suportahan ang mga miyembrong kinasuhan ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Duterte.
Sa mosyon ni Manila Rep. Joel Chua, pinagtibay ng komite ang collective manifestation of support para kina Luistro, De Lima, at Akbayan Reps. Perci Cendaña at Chel Diokno.
Ayon sa mga mambabatas, protektado sila ng parliamentary immunity habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
Tinawag naman ni Rep. Cendaña ang kaso bilang pagtatangkang takutin ang komite, habang sinabi ni De Lima na isa itong “diversionary tactic” upang ilihis ang atensyon mula sa impeachment case.
Luistro Pumalag sa Pressure Claim
Mariing itinanggi ni Luistro ang alegasyon ni Davao City Rep. Paolo Duterte na may panggigipit sa mga mambabatas upang suportahan ang impeachment laban kay Sara.
Ayon kay Luistro, wala siyang natanggap na anomang tawag o banta na may kinalaman sa proseso.
Iginiit niya na ang naging unanimous vote ng komite ay batay sa mga ebidensya at hindi sa impluwensya o pamimilit.
Binigyang-diin din niya na bilang chairperson, tungkulin niyang manatiling neutral at sumunod sa itinakda ng Konstitusyon sa paghawak ng impeachment proceedings.
(TINA MENDOZA)
59 