QUEZON – Nailigtas ang 11 sakay ng isang bangkang de motor na tumaob matapos na abutan ng malakas na hanging habagat sa karagatan malapit sa baybayin ng bayan ng Panukulan, sa Polillo Island, sa lalawigang ito, noong Biyernes ng tanghali.
Ayon sa report ng Panukulan MDRRMO, kabilang sa nailigtas ang 23-anyos na piloto at may-ari ng bangka na si John Paulo Dela Cruz, kanyang misis at ang 2 buwang sanggol na anak ng mga ito, at 8 iba pang kaanak.
Galing sa piyesta sa Barangay Bonifacio sa bayan ng Burdeos ang mga biktima at pauwi na sa bayan ng Infanta nang hagupitin ang mga ito ng malakas na hangin at malalaking alon na dala ng hanging habagat dakong alas-12:20 ng tanghali.
Dahil dito tumaob ang bangka subalit agad namang nakakapit sa nakalitaw na bahagi ang mga sakay nito.
Mapalad naman na kalapit lamang nito ang isa pang bangkang pangisda nang ito ay tumaob at agad na nakasaklolo ang mga mangingisdang sakay nito.
Dinala ang mga biktima sa dalampasigan ng Barangay San Juan, sa Panukulan kung saan sinalubong ang mga ito at agad sinuri ng mga tauhan ng Panukulan MDRMMO, MSWD at mga tauhan ng Panukulan PNP.
Napag-alaman na sobra sa kapasidad ang sakay ng bangka na 11 katao na dapat ay lima hanggang anim lamang ang sakay.
(NILOU DEL CARMEN)
177