PROKLAMASYON NINA BBM AT SARA MAPAPAAGA

MAPAPAAGA ang pagpoproklama kina presumptive President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at presumptive Vice President Sara Duterte.

Ito ang pagtaya ni Cavite Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla sa isang panayam kasabay ng pag-convene ng Joint Session ng dalawang kapulungan ng Kongreso na pinangunahan nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Speaker Lord Allan Velasco.

“Let democracy reign in our country! Let the voice of the people be heard,” ani Velasco kung saan agad na sinimulan ang pag-canvass ng mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC) na itinalaga ng Kamara at Senado kahapon sa boto ng mga presidential at vice presidential candidate.

“Ang tingin ko, puwedeng by tomorrow night matapos na ito (canvassing). Thursday the latest hindi aabot ng Friday,” ayon kay Remulla na kabilang sa 7 miyembro ng NBOC.
Base sa unang inilabas na schedule ng dalawang kapulungan, sisimulan ang canvassing ngayong Miyerkoles.

Paliwanag ni Remulla, wala silang nakikitang balakid sa canvassing dahil hindi aniya close fight ang katatapos na eleksyon na pwedeng maging dahilan ng aberya sa pag-canvas.

“This case kasi, the mandate is overwhelming. There’s no question about who won the election. If it’s a close fight the fireworks are different.

Magkakaroon ng debate dyan, may objection mabibigat pero this time the election run smoothly. By eleven o’clock (noong May 9) we knew (kung sino ang nanalo),” ayon pa sa susunod na kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Samantala, hindi na nagpadala ng kanilang mga abogado ang anim (6) sa sampung (10) presidential candidate sa canvassing ng boto sa Batasan Pambansan kahapon.

Sa pagsisimula ng canvassing, tanging sina Marcos Jr. at Vice President Leni Robredo ang nagpadala ng kanilang mga abogado.

Sina Atty. Vic Rodriguez at Atty. Felipe Agargo ang kumatawan kay Marcos habang sina Attys. Reagan de Guzman at Jasmin Banal ang ipinadala ng kampo ni Robredo.

Ayon kay Senate Secretary Myra Marie Villarica, inabisuhan nila ang lahat ng mga kandidato at kanilang mga abogado na magpadala ng kanilang kinatawan subalit sina Marcos at Robredo lang ang tumugon. Sa gitna ng canvassing, dumating ang abogado nina Isko Moreno at Abella.

Sa presidential candidates ay tanging sina presumptive Vice President Sara Duterte, Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Doc Willie Ong ang nagpadala ng kanilang abogado. (BERNARD TAGUINOD)

212

Related posts

Leave a Comment