BINATIKOS ng Malacañang si Senador Alan Peter Cayetano matapos nitong sisihin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa umano’y hindi pagtupad sa ipinangakong P10,000 ayuda para sa mga Pilipinong hindi pa nakababangon mula sa epekto ng pandemya.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, nakapagtataka ang patuloy umanong paggawa ni Cayetano ng mga alegasyon na wala aniyang basehan.
“Bakit hindi kaya makapagpigil sa sarili si Sen. Alan Cayetano sa paggawa ng intriga at mga kuwentong walang basehan?” ani Castro.
Iginiit din ng Palace official na kahalintulad umano ito ng istilo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nangako umano para lamang sa pangangampanya.
Ani Castro, sa halip na akuin ang pananagutan sa hindi umano pagtupad sa kanyang pangako, ay ibinabaling ni Cayetano ang sisi sa iba.
Sinabi rin ni Castro na handa ang Malacañang na maglatag ng mga ebidensiya upang pabulaanan ang mga pahayag ng senador.
Nauna rito, sa isang Facebook livestream noong Biyernes, sinabi ni Cayetano na may sapat na pondo ang pamahalaan upang pondohan ang P10,000 ayuda noong 2021 at 2022, ngunit hindi umano ito naipatupad matapos mahalal si Pangulong Marcos.
Ayon sa senador, paulit-ulit niyang tinatanong ang budget committee hinggil sa pondong inilaan para sa ayuda na umaabot umano sa daan-daang bilyong piso kada taon.
Ginawa ni Cayetano ang pahayag kasunod ng pagpapalawak ng administrasyon ni Pangulong Marcos sa United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program, na nagbibigay ng ayuda sa mahihirap na pamilyang naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East.
(CHRISTIAN DALE)
133 