PROTEKSYON SA TAXPAYERS, IGINIIT

NAIS ni Senador Win Gatchalian na itaguyod ang karapatan ng mga taxpayer sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga pangunahing karapatan upang mas maunawaan ang proseso ng pagbubuwis.

Iginiit ni Gatchalian na dapat magpatupad ang mga awtoridad ng dekalidad na serbisyo sa publiko at pag-igihin ang pangongolekta ng buwis.

Sa Senate Bill No. 1199 o ang Taxpayer’s Bill of Rights and Obligations Act, iginiit ni Gatchalian ang karapatan ng mga taxpayer na makibahagi sa mga dayalogo, ugnayan, o anumang information at education campaigns na magpapaintindi sa kanila ng kanilang mga karapatan at obligasyon, kasama na ang mga batas at mga regulasyon ukol sa pagbubuwis.

“Alam nating mahirap maintindihan ng ilan sa ating mga kababayan ang taxation laws kaya mahalagang isapuso nila ang mga ito dahil para rin ito sa kanilang kapakanan,” saad ni Gatchalian.

Inihalimbawa ni Gatchalian ang Letter of Authority o LOA na ipinapakita ng mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa tuwing magsasagawa sila ng audit o assessment sa isang taxpayer.

“Kailangang basahin nang maigi ng taxpayer ang nakasulat sa dokumento na ipapakita ng revenue officer kung magsasagawa ito ng audit upang malaman ng taxpayer kung mayroong anumang discrepancy o inconsistency. Kung iba ang BIR officer na gagawa ng mismong pag-audit at hindi ang pangalang nakalagay sa dokumento, may karapatan ang taxpayer na hindi sumunod sa kautusan,” paliwanag ni Gatchalian.

“Mahalagang malaman ng mga taxpayer ang kanilang mga karapatan bilang proteksyon laban sa ilang mapang-abusong alagad ng gobyerno,” dagdag pa ng mambabatas.

Ibinunyag ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) noong 2020 na ang BIR ang nangunguna sa listahan ng mga “most complained agencies.”

Sa ulat naman noong Abril 2022 ng Revenue Integrity Protection Service (RIPS) ng finance department, kalahati ng halos limang daang mga empleyadong inimbestigahan nila mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2022 ay mula sa Bureau of Customs (BOC) habang 38% ay mula sa BIR. Ang mga sangkot na empleyado ay tinanggal sa serbisyo, napatunayang nagkasala sa mga kasong kriminal, sinuspinde, at pinagmulta.

“Inaasahan natin na sa pamamagitan ng panukalang batas na ito ay lalo pa nating maiangat ang tiwala at kumpiyansa ng ating mga kababayan sa gobyerno nang sa ganun ay mas magiging handa sila para tuparin ang kanilang obligasyon sa pagbabayad ng buwis at maging maayos ang pangongolekta ng gobyerno ng buwis,” diin ni Gatchalian. (Dang Samson-Garcia)

188

Related posts

Leave a Comment