NADAGDAGAN pa ang mga nasawi dahil sa COVID-19 sa pwersa ng Philippine National Police nang masawi ang isang police staff sergeant.
Dahil dito, umakyat na sa 61 ang kabuuang bilang ng mga pulis na iginupo ng corona virus mula nang mag-umpisa ang pandemiya sa Pilipinas.
Kaugnay nito ay nagpahatid ng kanyang pakikiramay si P/Gen. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, chief PNP, sa pamilya ng namatay na 39-anyos na pulis na kasapi ng Rizal PNP.
Base sa ulat ng PNP Health Service, nagpositibo sa COVID-19 swab test ang pulis nuong May 10 at nakaranas ng mga sintomas gaya ng trangkaso at hirap sa paghinga.
Na-diagnose din ito na may chronic kidney disease kaya mabilis na inilipat sa ospital para sa emergency dialysis. May 15 nang magsimula itong sumailalim sa dialysis session.
Subalit kinabukasan, May 16, ay nakaranas ito ng hirap sa paghinga kaya pinayuhan na sumailalim muli sa isang session ng dialysis ngunit idineklara itong patay ng kanyang attending physician kalaunan.
Nitong May 17, ayon sa PNPHS, nakapagtala sila ng 69 new cases kaya umabot na sa 21,924 ang total COVID-19 cases sa hanay ng PNP. Nasa 1,407 naman ang active cases.
Nakapagtala naman ang PNP ng 85 new recoveries kaya umaabot na sa 20,456 ang bilang ng mga pulis na gumaling mula sa nasabing sakit. (JESSE KABEL)
186 