CAVITE – Putol ang kaliwang kamay at paa at namatay ang isang pulis-Crame nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa poste ng ilaw sa General Trias City noong Linggo ng hapon.
Isinugod sa Gen. Trias Medicare Hospital ang biktimang si Police Corporal Christopher James Sabanal Gutierez, nakatalaga PNP Cybercrime Group sa Camp Crame, Quezon City, at residente ng Caloocan City, subalit hindi umabot nang buhay.
Ayon sa ulat, minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Secondary Road sa Lancaster sakop ng Brgy. Navarro, Gen. Trias City dakong alas-4:00 ng hapon patungo sa direksyon ng Advincula Road, nang mawalan ng kontrol sa manibela at sumalpok sa poste ng kuryente.
Pinaniniwalaang mabilis ang pagmamaneho ng biktima dahil walang gaanong mga sasakyan sa lugar.
(SIGFRED ADSUARA)
