QUIMBO TAHIMIK SA PAGKASO KAY ROMUALDEZ

NANANATILING tahimik si dating Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo sa gitna ng mga kinakaharap na kaso ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Para kay dating senatorial candidate Dr. Richard Mata, dapat magkomento si Quimbo, lalo pa’t siya ang nagsilbing acting chairperson ng House Committee on Appropriations sa ilalim ni Romualdez.

“Stella Quimbo was the acting head of the House Committee on Appropriations under Martin’s leadership. We need her comment,” sabi ni Dr. Mata sa isang Facebook post.

Dating kinatawan ng 2nd District ng Marikina mula 2019 hanggang 2025, nagsilbi rin si Quimbo bilang vice chairperson ng Committee on Appropriations at naging chairperson nang magbitiw ang kontrobersyal na si Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

Naupo rin si Quimbo bilang isa sa mga miyembro ng small committee kung saan diumano ay nangyari ang ilang insertions sa 2025 national budget.

Una nang sinabi ng Office of the Ombudsman na plano nitong imbestigahan ang mga miyembro ng House small committee, sa pangunguna ni Quimbo.

Maliban kay Quimbo, pinaiimbestigahan din ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla, sina dating Zamboanga City congressman Mannix Dalipe at House Minority Leader Marcelino Libanan.

Batay sa ulat, may apat na infrastructure projects si Quimbo sa kanyang distrito sa pamamagitan ng mga kompanyang pag-aari ng kontrobersyal na mga kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya.

Ang mga nasabing proyekto ay ipinasok sa mga kumpanyang konektado kay Discaya, kabilang ang Great Pacific Builders and General Contractor Inc., JMLR Construction and Supply, St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp., VPR General Contractor and Construction Supply Inc., at Alpha and Omega General Contractor and Development Corp.

Ang Great Pacific Builders ang nakakuha ng kontrata para sa konstruksyon ng box culverts sa Rainbow Street (P41,878,276.31) at Zenaida Subdivision (P35,355,782.73), na parehong nasa Brgy. Concepcion Dos.

Pinondohan din ni Quimbo ang konstruksyon ng slope protection works sa Balanti Creek sa Katipunan Extension (P56,741,661.01) at ang proyekto ng pagpapaganda ng creek (P46,353,618.68).

Ang mga proyekto, na may kabuuang halagang P180 milyon, ay ipinatupad noong 2022 at 2023, sa panahon ng panunungkulan ni Quimbo bilang vice chairperson ng House Committee on Appropriations. (EG)

39

Related posts

Leave a Comment