(NI AMIHAN SABILLO)
IGINIIT ng Philippine National Police (PNP) na hindi sila kinapos sa kanilang target sa pag-aresto sa mga most wanted person.
Ito ay makaraang iulat ng Commission on Audit (COA) noong nakaraang linggo na 19.37 percent lang ng most wanted persons ang naaresto ng PNP. Ito ay malayo sa orihinal nilang target na 51.57 percent.
Ayon kay PNP chief Oscar Albayalde, ang tinutukoy ng COA sa kanilang ulat ay ang mga naarestong pasok sa top 10 most wanted persons noong 2018, at hindi ang kabuuang bilang ng mga naarestong wanted person, kabilang na ang mga ordinaryong suspek sa buong bansa.
Kaugnay nito, sinabi ni Albaylde na magpapaliwanag sila sa COA at magpiprisinta ng datos para patunayan na hindi sila nagkulang.
Dagdag pa ng hepe ng PNP na sa katunayan ay triple ang bilang ng mga naaresto nilang ordinary wanted person dahil na rin sa mga pinaigting na anti-criminality campaign.
Samantala, iniulat naman ng Directorate for Investigation and Detective Management ng PNP na tumaas din ang bilang ng mga naaresto ng PNP na may mga patong sa ulo.
Base sa datos, 35 ang mga naarestong mga suspek na may reward noong 2017 habang 48 naman ang mga suspek na may reward ang naaresto noong 2018.
174