QUEZON – Patay ng tatlong kalalakihan, habang sugatan ang dalawa pa matapos na pagbabarilin habang masayang nag-iinuman sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa isang ospital sa San Juan, Batangas ang mga biktimang sina Richard Nitro, Selvino Macaraig at Jay Ar Javillo, mga residente ng Barangay Del Rosario at Barangay Cabay sa bayan ng Tiaong.
Sugatan naman ang dalawa pang sina Rico Macaraig at Meliton Hernandez.
Ayon sa report ng Tiaong police, bandang alas-7:00 ng gabi, ng nag-iinuman ang grupo sa loob ng isang karidenria sa Barangay del Rosario nang biglang dumating ang dalawang suspek na armado ng armalite rifle at .45 kalibreng baril.
Walang-awang pinagbabaril ng mga suspek ang nabiglang mga biktima saka mabilis na tumakas.
Ayon kay P/Lt. Col. Dennis de Leon, hepe ng Tiaong police, nakilala ng mga testigo at ng dalawang nabuhay na biktima, ang mga suspek na ang magkapatid na sina Jaime Punzalan Jr., 24, at Jhayven Punzalan, 26, pareho ring taga Barangay Del Rosario.
Ang mga suspek umano ay mga pamangkin ng most wanted criminal na si Alvin Punzalan na napatay makaraang makipabarilan sa aarestong mga pulis sa nasabi ring barangay noong nakaraang Setyembre 18.
Ang 44-anyos na si Alvin na naitala bilang no. 2 most wanted criminal ng Calabarzon dahil sa kasong murder, ay matagal nang nagtatago sa batas hanggang sa matiyempuahan ng mga pulis sa Barangay Del Rosario.
Ayon kay De Leon, ang mga biktima ang pinagbibintangan ng dalawang suspek na umano’y siyang nagbigay ng impormasyon sa pulisya kaya natukoy ang pinagtataguan ng kanilang tiyuhin na napaslang ng mga pulis.
Pinaghahanap na ang dalawang suspek at inihahanda ang mga kasong multiple murder at multiple frustrated murder na isasampa laban sa mga ito. (NILOU DEL CARMEN)
260 