RESIDENTE NG BIÑAN CITY UMAPELA SA OMBUDSMAN KAUGNAY SA RECLAMATION NG LAGUNA LAKE

NANAWAGAN ang mga residente ng Biñan City, Laguna sa Office of the Ombudsman na kagyat aksyunan ang kanilang reklamo laban sa mga local government official (LGU) ng kanilang lungsod bunsod ng kawalang aksyon umano ng mga ito upang mapatigil ang reclamation project na isinasagawa sa Laguna Lake.

Anila, paglabag ito sa kalikasan at kalusugan sa kanilang komunidad.

Sa kanilang sulat sa Ombudsman, sinabi nina Ferdinand Oberos Tabsing, residente ng San Isidro Village, Brgy. Dela Paz at Resurreccion Benite Buarao, ng Zone 7 Wawa Street, Brgy. Malaban, parehong sa Biñan City, Laguna na sila ay humihiling ng tulong sa Ombudsman upang mabigyan ng karapatan at agarang aksyon ang kanilang reklamo.

Nauna nang nagsampa ng reklamo ang mga residente ng Biñan sa Ombudsman laban sa kanilang LGU matapos umanong tambakan ng pamahalaang lungsod ng walang kaukulang permiso ang mga daluyan ng tubig baha at ang Laguna Lake sa Brgy. Malaban at Dela Paz.

Apela pa ng mga residente, lubha umano silang nagtataka dahil tila hindi umuusad ang kanilang reklamo laban sa kanilang mga nakaupong local government official hinggil sa pagtatambak ng lupa na nagiging dahilan ng malawakang pagbaha sa kanilang lugar.

Nauna nang hiniling ng grupo ng environmental group na SEEDS PH (Solidarity for Environmental Development and Sustainability) at mga residente ng Biñan City na mapatigil ang reclamation ng pamahalaang lungsod sa Laguna Lake dahil apektado na umano ang kalikasan at kalusugan ng mga residente sa lugar.

Nabatid pa sa environment group na SEEDS PH at mga residente na simula noong 2019, ang Biñan LGU ay nagsasagawa ng reclamation activities sa baybayin ng Laguna Lake nang walang kinakailangang clearance mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Environmental Clearance Certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sinabi pa ng grupo na ang kawalan ng wastong clearance mula sa LLDA at ECC ay nagpapahiwatig ng tahasang pagwawalang-bahala sa mga regulasyon sa kapaligiran at sa kapakanan ng komunidad.

Kaugnay nito, nauna nang hiniling ng LLDA na itigil ang mga aktibidad sa reclamation hanggang sa maisagawa ang tamang pagtasa ngunit sinasabi ng mga residente na nagpapatuloy ang reclamation, isang paglabag sa R.A. 4850 at iba pang nauugnay na batas. (PAOLO SANTOS)

29

Related posts

Leave a Comment