TULUYANG ibinasura ng Quezon City Prosecutors Office ang kasong robbery na isinampa ng isang delivery rider laban sa dalawang tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos mabigong mailatag ang elemento ng pagnanakaw na isinampa ng una.
Sa apat na pahinang resolusyon na nilagdaan ni Assistant City Prosecutor Ann Faustine Moya-Valbuena, ibinasura ng piskalya ang kasong robbery na isinampa ng complainant na si Piolo Baluyot Alonzo laban kina PCpl. Mark Anthony Amaro at PCpl. Cristian Nuezca.
Sina PCpl. Amaro at PCpl. Nuezca ay mga miyembro ng PNP at nakatalaga sa Quezon City Police District Station 3, Talipapa Station, Drug Enforcement Unit (SDEU).
Base sa reklamo ng complainant na si Alonzo, nangyari umano ang sinasabi nitong alegasyon ng robbery noong Agosto 8, 2025 habang patungo siya sa drug store upang bumili ng gamot sakay ng kanyang motorsiklo sa kahabaan ng Martin De Porres Street sa harap ng 3300 Drug Store sa Brgy. Baesa, Quezon City dakong alas-10:30 ng gabi.
Nabatid sa reklamo ni Alonzo, 22-anyos, pinara siya sa isang police checkpoint ng dalawang nakauniporme na police personnel at umano’y kinuha ang kanyang P3,000 na pera nang walang balidong kadahilanan.
Kaugnay nito, sinabi ng piskalya na hindi na-establish ng complainant ang umano’y alegasyon ng robbery na reklamo nito laban sa dalawang tauhan ng pulisya at hindi rin na-establish ng witness nito na kinuha nga ng respondent ang pera ng complainant dahilan para ibasura ng piskalya ang naturang reklamo.
Itinanggi rin ng mga respondent (pulis) ang alegasyon ng pagnanakaw na isinampa ng complainant at sinabing dati nang sinampahan ng kaso ang complainant ng obstruction of justice matapos umano itong makialam sa isinagawang legitimate operation ng mga pulis sa buy-bust na isinagawa ng mga respondent.
Samantala, sinabi rin ng mga respondent na ang isinampang kaso laban sa kanila ay isang uri ng harassment upang gipitin ang mga ito matapos maunang maaresto ang complainant dahil umano sa pakikialam sa isinagawang police buy-bust operation nitong nakalipas na taon.
Kaugnay nito, ibinasura rin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kasong grave misconduct (robbery) at conduct unbecoming of a police officer o kasong administratibo laban sa mga respondent dahil sa kawalan ng merito.
Sinabi pa ng NCRPO, bukod sa kawalan ng merito, hindi rin umano na-establish ng complainant ang alegasyon nito sa mga respondent matapos ibasura ng Quezon City Prosecutor Office ang nasabing kaso.
(PAOLO SANTOS)
44 