CLIMATE CHANGE RESPONSE NAIS PAIGTINGIN NI MARCOS JR.

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga ahensya ng gobyerno na paigtingin ang pagpapatupad ng mga polisiya at hakbang para tugunan ang climate change habang patuloy na nararanasan ng Pilipinas ang tumitinding epekto nito.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na lahat ng ahensya ng gobyerno, sa pangunguna ng Climate Change Commission at Department of Environment and Natural Resources (DENR), ay inatasang magsagawa ng masinsinang hakbang at pabilisin ang pagtugon sa kanilang mga climate action commitments.

“Kapag hindi matugunan ang isyu ng climate change, malaki ang magiging epekto nito sa supply ng pagkain, sa pananim, mataas na presyo ng bilihin, mataas na inflation rate, mataas na public debt, at pati mga banta sa kalusugan katulad ng leptospirosis at dengue cases,” pahayag ni Castro.

“Kaya naman tuloy-tuloy ang paghahanda ng bansa na harapin ang mas mainit na klima at tugunan ang mga epekto nito,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, gumagawa ang gobyerno ng mga hakbang upang paghandaan ang mas mainit na klima habang nagsasagawa rin ito ng mga paraan upang mapabagal ang pagtaas at, sa kalaunan, mabawasan ang greenhouse gas emissions.

Layunin aniya ng estratehiya ng administrasyon na ilatag ang pundasyon para sa isang resilient at inclusive economy para sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.

“As a tropical archipelagic country, the Philippines is expected to continue experiencing severe climate impacts, including stronger and more frequent typhoons, rapid sea-level rise, and heavier rainfall,” ani Castro.

Maaari umanong magdulot ang mga bantang ito ng malaking panganib sa mga negosyo, komunidad, imprastraktura at ecosystems.

“Magkaisa tayong labanan ang epekto ng climate change,” panawagan ni Castro.

“Kung hindi ngayon, kailan pa? Huwag tayong magpahuli,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Castro na nakikipagtulungan ang Malacañang sa Vice Mayors League of the Philippines, sa pangunguna ng national president nitong si Vice Mayor Meynard Francis Bumanglag ng Pinili, Ilocos Norte, bilang bahagi ng climate response efforts ng pamahalaan.

(CHRISTIAN DALE)

59

Related posts

Leave a Comment