MANILA — Mariing itinanggi ni Philippine Air Force Reserve Brig. Gen. Michael “Mikee” Romero na siya ay ginawaran o nagmamay-ari ng Gold Cross Medal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Para sa rekord, hindi ako ginawaran at wala akong Gold Cross Medal,” pahayag ni Romero.
Ayon kay Romero, ang medalya na paulit-ulit na tinukoy sa mga litrato at ginamit bilang sentro ng mga alegasyon laban sa kanya ay hindi Gold Cross Medal.
Aniya, ang naturang parangal ay ang Gawad sa Kapayapaan, na ipinagkaloob bilang pagkilala sa kanyang mga naging hakbang na nakatulong sa AFP na makakuha ng tatlong bagong C-130 aircraft noong 2022, nang siya ay miyembro pa ng Kongreso.
Sa kasalukuyan, nagsisilbi si Romero bilang commander ng Tactical Operations Wing Reserve–Northern Luzon at chairman ng Association of Reservists and Reservist Administrators of the Philippines (ARRAPI).
Nakatuon aniya ang kanyang trabaho sa pagpapalakas ng reserve force ng bansa at pagsusulong ng konsepto ng Total Defense Force, isang mas integradong istruktura ng pambansang depensa kung saan maaaring makibahagi ang mga aktibong sundalo, reservist, beterano, ahensya ng gobyerno, pribadong sektor at mga propesyunal na sibilyan sa pambansang seguridad at katatagan.
Mas maaga ngayong taon, na-promote si Romero bilang brigadier general ng Philippine Air Force Reserve Force matapos dumaan sa serye ng mga tungkuling may lumalaking responsibilidad sa reserve organization.
Matagal na rin aniya ang kanyang pakikibahagi sa pambansang depensa bago pa man siya maitalaga sa kasalukuyang ranggo.
Bilang miyembro ng Kongreso, sinuportahan ni Romero ang modernisasyon ng AFP at nakibahagi sa mga hakbang na nakatulong sa pagkuha ng tatlong bagong C-130 aircraft noong 2022, na nagpalakas sa kakayahan ng bansa sa strategic airlift, humanitarian assistance at disaster response.
Naging co-author din siya ng AFP Salary Standardization na nagresulta sa average na 58.7 porsiyentong pagtaas sa sahod ng mga tauhan ng AFP.
Kasama rin sa kanyang mga naging gawain sa reserve force ang mga humanitarian at disaster-response mission, gayundin ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga reservist sa logistics, aviation, communications, cybersecurity at iba pang larangan kung saan maaaring gamitin ang kadalubhasaan ng mga sibilyan para sa pambansang depensa.
“Ang reserve force ay isa sa pinakamalalaking hindi pa lubusang nagagamit na pambansang yaman ng Pilipinas. May mga Pilipino sa halos lahat ng propesyon na handang maglingkod. Ang hamon ay kung paano sila oorganisahin, sasanayin at isasama ang kanilang kakayahan sa isang kapani-paniwalang Total Defense Force,” ani Romero.
Aniya, pumasok siya sa reserve force dahil naniniwala siyang hindi nagtatapos ang paglilingkod sa bansa sa pag-alis sa Kongreso.
Sinabi rin ni Romero na bukas siya sa lehitimong beripikasyon ng mga general order na may kaugnayan sa kanyang military record at mga natanggap na parangal.
“Ang hinihiling ko lamang ay maging tama ang rekord,” aniya.
“Hindi ko kailanman inangkin ang Gold Cross Medal. Hindi ako kailanman ginawaran nito. Wala ako nito.”
Sinabi ni Romero na nais niyang ituon ang kanyang pansin sa pagpapalakas ng Philippine reserve force at sa ambag nito sa depensa at seguridad ng bansa.
89 