IBINASURA na ng Korte Suprema ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. Sa botong 13-0-2, binigyang linaw nila ang isyu kaya ang inaasahan, tapos na ang usapan.
Pero mayroon pa ring ayaw tantanan ang usapin.
Kasama sa mga patuloy sa pagbibigay ng opinyon sina dating Supreme Court Justices Adolfo Azcuna at Antonio Carpio. Kaliwa’t kanan nga ang kanilang mga panayam at pagbibigay ng sariling opinyon sa impeachment. May mga nagtataas tuloy ng kilay.
Anila, ‘pag tapos na ba magsuot ng robe, pwede nang mambato?
Ganito ang tingin ng marami dahil tila mas maingay ang dalawang dating mahistrado kaysa mga kongresista o aktibista.
Banat tuloy ng ilan, sa halip na respetuhin ang desisyon ng Korte, binabanatan nila ito. Hindi lang ang ponente na si Senior Associate Justice Marvic Leonen ang kanilang kinukuwestiyon, kundi ang buong institusyon na dati nilang pinagsilbihan.
Hindi maiwasang kwestyunin ng ilan ang aksyon ng dalawang dating mahistrado lalo pa’t tungkulin pa rin nilang ipagtanggol ang institusyon na siyang tagapagtanggol ng batas. Pero sa nangyayari sa kasalukuyan ay tila nakikisali pa raw sila sa gulo ng pulitika at hindi na naiiba sa mga tagapagsalita ng pro-impeachment camp sa Kamara.
Marami ang nababahala sa patuloy na pag-iingay hinggil sa impeachment na nagdudulot lalo ng pagkakawatak-watak ng mga Pilipino. Ang Korte Suprema ang tanging may kapangyarihang magbigay ng pinal na interpretasyon sa ating Saligang Batas. Kung mismong mga dating mahistrado ay hindi marunong tumanggap ng legal na katotohanan, kanino pa tayo aasa?
Hindi kailanman masama ang magkaroon ng opinyon. Pero anila, kung ito ay ginagamit para siraan ang isang institusyong dapat pinangangalagaan, ibang usapan na ‘yan.
Sa huli, ang tanong nila: sino ba talaga ang may tunay na malasakit sa batas? ‘Yung naninindigan sa Rule of Law, o ‘yung hindi maka-move on dahil hindi nila nagustuhan ang desisyon ng Korte Suprema?
