SA DAMI NG BASURA: STATE OF PUBLIC HEALTH EMERGENCY IDEDEKLARA SA MAYNILA

ISASAILALIM sa public health state of emergency ang buong lungsod ng Maynila sa gitna ng hindi pa nahahakot na tambak at namamahong mga basura sa lungsod.

Ito ang inihayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang unang press conference sa kanyang pagbabalik bilang alkalde ng lungsod.

Giit ni Domagoso, malaki ang naging epekto ng basura sa kalusugan ng mga Manilenyo kaya naman magdedeklara ng health state of emergency.

Kaugnay nito, inanunsyo rin ni Domagoso na natanggap nila umaga nitong Lunes, ang liham mula sa service provider na Metro Waste at PHILECO na kanila nang pinuputol ang kanilang kontrata na napagkasunduan ng dating administrasyong Lacuna.

Kaya naman isa aniyang malaking problema ngayon ang kahaharapin ng lungsod dahil sa naiwang tambak na basura, kaya nakiusap ito sa dating service provider na Leonel na siyang magbibigay serbisyo nang libre para mahakot lahat ang natitira pang nagkalat na basura sa kalsada.

Inihayag ni Domagoso na umabot na sa P950 milyon ang bayarin sa basura sa tatlong contractor.

“Talagang sasabog ang Maynila — sa baho, sa eyesore, at higit sa lahat ang panganib na dulot sa kalusugan,” pahayag ng alkalde.

Kaya naman sa unang sesyon ng Konseho ngayong Hulyo 1, ay hihilingin ng alkalde na ideklara ang state of health emergency sa buong Maynila.

Target ng bagong pamunuan na agarang makolekta ang mga basura sa Maynila sa tulong ng Leonel Waste Management at ng Metro Manila Development Authority.

Pagkatapos ng press conference ni Domagoso ay agad itong umikot sa buong lungsod upang makita ang sitwasyon sa kalsada kung saan nagkalat ang mga basura.

(JOCELYN DOMENDEN)

115

Related posts

Leave a Comment