UNIVERSAL SOCIAL PENSION NG SENIORS MULING IPAGLALABAN SA KONGRESO

BATASAN HILLS, Lungsod Quezon — Sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso, agad na hinain muli ni United Senior Citizens (USC) party-list representative MILAGROS ‘Mila’ Aquino-Magsaysay ang panukalang Universal Social Pension (USP) bill upang mabigyan ng buwanang social pension ang lahat ng matatandang Pilipino sa bansa.

Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, aabot sa halagang 12 milyong piso ang ipapamahagi para sa kapakanan ng mga senior citizen na edad 60 taong gulang pataas.

Bagamat sinuportahan ito ng mayorya ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para pumasa sa imatlo at huling pagbasa sa plenaryo, sadyang hindi umusad ang panukala ang bersyon nito sa Senado.

Iginiit ni Congresswoman Aquino-Magsaysay na pipilitin niyang pakiusapan muli ang mga mambabatas sa dalawang Kapulungan ng Kongreso upang tuluyan nang maisabatas ang pensyon sa lahat ng mga senior citizen sa buong kapuluan.

“Ako po ay hindi mapapagod at hindi titigil na ipaglaban at tayuan ang mga karapatan, pribilehiyo at benepisyo ng dapat makamit ng ating mga nakatatanda. Matagal na po silang nananawagan, nagtitiis at nagsusumamo sa ating pamahalaan na mabigyan ng kaunting tulong,” punto ni kinatawan ng USC.

“Ibigay na po natin ito sa ating mga senior citizen hindi bilang ayuda kundi bilang respeto, paggalang at pagkilala sa kanilang mga naambag sa ating lipunan,” sabi pa ng kongresista.

Umaasa rin ang mambabatas na tulad ng nakaraang ika-19 na Kongreso ay susuportahan din ng mga bagong miyembro ng Kamara de Representante ang panukala at gayun din sana sa Senado.

Bukod pa rito, inihain din ni Aquino-Magsaysay ang ilan pang mahahalagang panukalang batas na magbibigay ng pantay na pagkilala at ibayong pagmamalasakit sa mga nakatatanda tulad ng Philippine Geriatric Center Act na magtatakda ng sapat na pasilidad sa mga pampublikong pagamutan para sa mga matatanda at ang Anti-Senior Citizens Abuse Act na magpapataw ng kaukulang parusa para sa anumang uri ng pang-aabuso sa mga nakatatanda sa ating lipunan.

Kabilang din sa mga batas na inihain nito ay ang Philippine Dementia and Alzheimer Care Policy, Matatanda Ating Mahalin Act, Employment Opportunities for Senior Citizens and Private Entities Incentives Act, Expanded Senior Citizens Act, Sangguniang Nakatatanda Act, Senior Citizens Day Care Center Act at ang Institutionalized Five Percent Senior Citizens Allocation.

Sa huli, idiniin niya na sentro ng kanyang ipaprayoridad ang pagbibigay halaga sa prinsipyo ng social justice at pagpapayabong ng kultura nating mga Pilipino na mapag-alaga at mapagkalinga sa mga nakatatanda.

107

Related posts

Leave a Comment