PBBM SINERTIPIKAHANG URGENT OFW REINTEGRATION ACT

MAAARING mapabilis ang pagpasa sa panukalang OFW Reintegration Act matapos i-certify bilang urgent ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bersiyon ng Senado ng panukala, ayon kay Albay Rep. Adrian Salceda.

“Malaking bagay po ang certification ng Pangulo para matapos na natin ito sa Kongreso,” ani Salceda.

Layunin ng panukala na matulungan ang mga umuuwing overseas Filipino worker (OFW) na makapagsimulang muli sa trabaho at kabuhayan sa bansa.

Noong Hunyo 30, 2025, unang araw ng 20th Congress, inihain ni Salceda ang House Bill No. 50 na naglalayong magtatag ng mga Balikbayani Center bilang mga one-stop reintegration hub para sa mga umuuwing OFW at kanilang mga dependent. Kalaunan, isinama ang panukala sa mas malawak na OFW reintegration measure.

Hiniling din ni Salceda sa Department of Migrant Workers (DMW) na magtayo ng mga Balikbayani Center sa mga pangunahing paliparan at iba pang port of entry upang agad na matulungan ang mga OFW pagdating nila sa bansa.

“Paglapag na paglapag po ng ating mga OFW, ready dapat tayong tanggapin sila at bigyan ng agarang suporta. Nasa airport pa lang, dapat may malinaw nang pupuntahan para sa trabaho, livelihood, at iba pang tulong na kailangan nila,” pahayag ni Salceda.

Sa pamamagitan ng mga center, hindi na kailangang magtungo ang mga umuuwing OFW sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang makakuha ng mga kinakailangang serbisyo.

“Marami sa kanila ang umuuwi after years of working abroad. Some come home because their contracts have ended; others because of displacement, conflict, or difficult circumstances. Whatever the reason, government has to be ready when they arrive,” giit ni Salceda.

Nagpasalamat din ang kongresista kay Pangulong Marcos sa pag-certify bilang urgent sa panukala, na aniya ay malaking tulong sa mga OFW at kanilang pamilya.

“Salamat po, Mr. President. Napakalaking tulong po nito sa ating mga OFW at kanilang mga pamilya. I filed the first House bill on OFW reintegration this Congress, and I am grateful that the President has given the measure urgency,” pahayag ni Salceda.

(CHRISTIAN DALE)

62

Related posts

Leave a Comment