LAGUNA – Negatibo ang naging resulta ng COVID-19 swab test ng 66 personnel ng Police Regional Office 4-B (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) MIMAROPA, na nakasalamuha ni Philippine National Police chief, Gen. Debold Sinas.
Sinabi ni PRO4-B spokesperson, Lt. Col. Imelda Tolentino, kabilang sa nagnegatibo ay si MIMAROPA Police Director Brig. Gen. Pascual Munoz Jr.
“The results of the RT-PCR test conducted have been released and all are negative. Likewise, as of this date, not anyone from the identified close contacts experienced COVID-19 symptoms,” dagdag nito.
Aniya, ginawa ang test sa ika-anim na araw matapos ang command visit ni Sinas sa PRO4-B Headquarters sa Oriental Mindoro noong Marso 11, upang mabatid kung nahawa ang mga ito sa virus. Lumabas ang resulta matapos ang 5-7 araw, makaraan ang pagkakalantad sa nasabing nakamamatay na sakit.
Matatandaan, nalaman ni Sinas na positibo siya sa COVID-19 noong araw mismo na nag-command visit siya sa Regional Headquarters ng Police Regional Office 4B sa Oriental Mindoro.
Maaaring kaya negatibo ang kanyang mga nakasalamuha ay dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng epektibong pagsunod sa health protocols sa nabanggit na lugar.
Sa kasalukuyan, naka-quarantine ang PNP chief matapos magpositibo sa nasabing sakit. (CYRILL QUILO)
165 