6.49M PINOY PASOK SA FIRST TRANCHE NG UPLIFT AID

tao

TINATAYANG 6.49 milyong Pilipino ang makatatanggap ng unang tranche ng tulong sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ng pamahalaan.

Ayon sa Office of the Executive Secretary (OES), umabot na sa kabuuang P19.55 bilyon ang naipamahagi ng gobyerno para sa implementasyon ng programa, batay sa datos hanggang Oktubre 7.

Pinalawig ang UPLIFT sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang matulungan ang 7.5 milyong pamilyang bulnerable sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ng mga pangunahing bilihin.

Sa ilalim ng pinalawig na programa, makatatanggap ng one-time additional cash assistance na P2,000 ang 3.5 milyong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.

Kabilang din sa mga benepisyaryo ang 2.5 milyong mahihirap at near-poor households na tutukuyin sa pamamagitan ng Community-Based Monitoring System (CBMS), gayundin ang 1.5 milyong low-income workers at kanilang mga pamilya na ibeberipika sa pamamagitan ng Social Security System (SSS).

Ang mga benepisyaryo sa ilalim ng CBMS at SSS ay makatatanggap ng P2,000 kada buwan mula Hulyo hanggang Disyembre.

Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na isinasaalang-alang ng pamahalaan ang resulta ng isang kamakailang survey upang higit pang mapahusay ang paghahatid ng tulong at matukoy ang mga paraan para maipagpatuloy ang suporta sa mga manggagawa.

Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Mayo 26 hanggang 27, nasa 96 porsyento ng 1,200 transport workers na tinanong ang nakatanggap ng P5,000 fuel assistance sa ilalim ng UPLIFT. Nakatulong umano ang tulong upang maipagpatuloy nila ang pamamasada o makabalik sa kanilang mga ruta.

Malugod namang tinanggap ni Recto ang resulta ng survey, na aniya ay nagbigay ng konkretong puna kung paano nakararating sa mga nilalayong benepisyaryo ang tulong ng pamahalaan.

“This is proof that the President’s timely assistance is working and making a big difference,” ani Recto.

(CHRISTIAN DALE)

90

Related posts

Leave a Comment