SA ‘PAGTAKAS’ NI ROQUE, BI PINAGHIHIGPIT SA BORDER SECURITY

UMAPELA kahapon ang Department of Justice (DOJ) na palakasin ang border security sa bansa upang maiwasan makatakas ang ilang sangkot sa kaso, nang hindi dumaraan sa Immigration authorities.

Ang panawagan ay iginiit ni DOJ Usec. Nicholas Felix Ty kasunod ng pagtakas nina Alice Guo at dating Presidential Spokesman Atty. Harry Roque.

Aminado ang opisyal na may mga nakalulusot talaga na hindi dumaraan sa tamang proseso Partikular sa mga daungan at paliparan, sa kabila pa rin ito ng ipinalabas na lookout order ng ahensya.

Kaya’t sinabi nito na kailangan palakasin ang mga border at paraan din ito upang maiwasan na magkaroon ng problema ang ilang Pinoy na magtutungo sa ibang bansa.

Nang tanungin naman kung may pagkukulang ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi sa hindi agad pagpapabatid sa DOJ at Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa presensya ni Roque, sinabi ni Ty na ayaw niya munang husgahan ang mga ito.

Ang pahayag ni Ty ay kasunod ng sinabi ni Roque na nagtungo siya sa Philippine Embassy sa Abu Dhabi noong Nobyembre 29 upang magpa-notaryo ng kanyang counter-affidavit sa kasong qualified human trafficking.

Samantala, balak halukayin ng DOJ kung may naging lapses o kapabayaan ang Phil. Embassy sa Abu Dhabi.

Sinabi ni Ty, pag-uusapan pa ito ng kagawaran pero mabuti naman daw kung sa embahada nagmula ang impormasyong nanumpa sa kanila si Roque at hindi sa dating opisyal. (JULIET PACOT)

220

Related posts

Leave a Comment