NAG-ALOK ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga pamilya ng mga dayuhan na nakatakdang i-deport dahil sa kanilang pagkakasangkot sa illegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sa 24 Oras special report ni Sandra Aguinaldo, araw ng Miyerkoles, ang mga magulang ng mga batang ito ay naglaan ng kanilang oras at panahon na tila ay kanilang huling mga araw na magkakasama habang hinihintay ang desisyon kaugnay sa kanilang deportasyon.
Kabilang na rito ang 21-year old na si “Jamaica”, na mayroong limang buwan gulang na anak sa Chinese national na nakatakdang ideport.
“Sana bigyan nila ng chance po na makalaya po yung partner ko. Sana tulungan po nila kami, yung may mga anak po dito sa Pilipinas… kasi yung pamilya ko hindi ko rin po maasahan kasi marami din po kami magkakapatid. Hindi rin po nila ako matulungan, hirap din po kami,” ang sinabi ni Jamaica.
Sinabi naman ng kanyang partner na hindi pa siya nakikipag-ayos ukol sa posibilidad na pananatili sa bansa.
“He wants to stay… because he’s very fond of his baby… If he was deported, he cannot care for his family,”ang sinabi ng Chinese national sa pamamagitan ng isang translator.
Sa kabilang dako, nakipag-ugnayan na si DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) hinggil sa detalye para sa custody turnovers at livelihood assistance para sa mga pamilya na maiiwan sa bansa. (CHRISTIAN DALE)
