KAPWA nagpahayag ng kahandaang magbigay ng bahagi ng kanilang sweldo ang ilang miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte at mga kongresista para sa mga
programa ng pamahalaan sa pagsugpo sa coronavirus disease 2019 sa bansa.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, nakikibahagi ang mga gabinete ni Pangulong Duterte sa bayanihan at pagtutulungan sa panahon ng krisis.
“Majority ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Duterte ay boluntaryong ibibigay ang malaking bahagi, 75% ng kanilang buwanang sahod upang ilaan sa mga programa ng
gobyerno upang sugpuin ang COVID-19 sa loob ng panahong ipinatutupad ang Bayanihan law,”ang pahayag ni CabSec Nograles.
Aniya, hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan kakaltasan ang kanilang sahod ng 75% o hanggang sa matapos ang bisa ng Bayanihan Act para makatulong sa mga programa ng pamahalaan.
Samantala, ido-donate ng mga kongresista ang kanilang suweldo sa susunod na buwan ng Mayo, upang mapondohan ang iba pang pangangailangan sa paglaban ng gobyerno sa COVID-19.
Ito ang kinumpirma ng liderato ng mababang kapulungan ng Kongreso kung saan target umano ng mga ito na makalikom ng P50 Million para mapondohan ang iba pang pangangailangan sa paggapi sa nasabing problema.
“Ang initial target is P50 million, I think nasa mahigit P40 million na po tayo ngayon. So pag umabot ng P50 million mananawagan kami sa mga personal naming kaibigan, if we can get 100 people to donate P500,000 or 50 people to donate a million kasama yung aming sweldo we hope na umabot ng P100 million,” ani House Speaker Alan Cayetano sa on-line press conference. CHRISTIAN DALE, BERNARD TAGUINOD
191 