SANGGOL NADAMAY SA PAGSABOG NG GRANADA SA MARAWI CITY

DALAWANG lalaki ang nasawi sa ikinasang joint law enforcement operation ng Philippine National Police at Philippine Army sa Barangay Tampilong, Marawi City.

Ayon sa ulat, patay ang dalawa nang mauwi sa engkuwentro ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga tauhan ng military at pulis sa Barangay Tampilong.

Subalit may isang anim na buwang gulang na sanggol din ang nadamay at nasawi nang mahagip ng shrapnel ng sumabog na granada.

Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), isinagawa ang operasyon upang arestuhin ang isang alyas “Engineer” na nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Subalit papalapit pa lamang umano ang mga operatiba sa target na lugar ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok ng mga armadong kalalakihan kaya napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad.

Dalawa sa mga umano’y kasama ng pakay ng law enforcement operation ang nasawi sa engkuwentro, habang nakatakas si alyas “Engineer” at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ayon pa sa police report, isang granada na umano’y iniwan ng tumatakas na target ang sumabog at tumama sa sanggol.

Nagawa pang itakbo sa ospital ang sanggol ngunit kalaunan ay idineklarang patay, ayon kay PRO-BAR spokesperson Capt. Steffi Salanguit.

Patuloy ang pursuit operation laban kay alyas “Engineer” habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

(JESSE RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment