4K PARTYLIST REP. IRIS MONTES, AKTIBONG NAGSUSULONG NG MGA BATAS PARA SA KAPAKANAN NG BAWAT PILIPINO

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA gitna ng masalimuot na budget season, hindi lamang pagdinig at pagtalakay sa pambansang pondo ang kailangang tutukan ng mga mambabatas. Mahalaga rin ang patuloy na paghahanap ng konkretong solusyon sa mga problema ng ordinaryong Pilipino.

Sa ganitong pananaw makikita ang aktibong pagtatrabaho ni Assistant Minority Leader at 4K Party-list Representative Iris Montes.

Sa kabila ng dami ng kanyang tungkulin sa Kongreso, naghain pa si Rep. Montes ng limang panukalang batas na nakatuon sa kalusugan, kabuhayan, seguridad at proteksyon sa mamamayan.

Kabilang dito ang House Bill No. 10974 na naglalayong lumikha ng Congressional Commission on Health o HEALTHCOM upang masuri at mapabuti ang kalagayan ng health system ng bansa.

Mahalaga ang ganitong hakbang dahil ang maayos na serbisyong pangkalusugan ay hindi dapat nakabatay sa kakayahang pinansyal ng isang pamilya.

Isinusulong din ni Montes ang Sari-Sari Store Development Act sa ilalim ng House Bill No. 10975 upang palakasin at gawing mas kompetitibo ang maliliit na tindahan na mahalagang bahagi ng lokal na ekonomiya.

Para naman mabawasan ang gastos at abala ng publiko, layon ng House Bill No. 10976 na pag-isahin ang police at NBI clearance system sa isang unified criminal clearance database.

Isa rin sa mahalagang panukala ang House Bill No. 10977 na naglalayong i-reorganize ang Women and Children Protection Center bilang Women and Children Protection Group.

Sa pamamagitan nito, higit na mapapalakas ang mekanismo ng Philippine National Police (PNP) sa pagprotekta sa kababaihan at mga bata laban sa pang-aabuso at iba pang krimen.

Hindi rin kinaligtaan ni Montes ang kalusugan ng mga ina at sanggol sa House Bill No. 10978, na naglalayong magtatag ng birthing centers at palakasin ang maternal at childbirth services sa mga komunidad.

Kasama rin sa panukala ang pagsasanay sa traditional birth attendants at institutionalization ng layaway program upang mas maging ligtas at abot-kaya ang panganganak.

Kapansin-pansin na magkakaiba man ang sektor na tinutugunan ng limang panukala, iisa ang malinaw na direksyon: gawing mas accessible, episyente at responsive ang serbisyo ng pamahalaan.

Ipinakikita rin nito na ang pagiging mambabatas ay hindi lamang tungkol sa pagdalo sa mga pagdinig o pagtalakay sa budget, kundi sa pagbuo ng mga batas na may direktang epekto sa buhay ng mga Pilipino.

68

Related posts

Leave a Comment