BAGUIO CITY – Dumarami ang boses ng pagtutol kontra sa nakatakdang renobasyon ng public market ng lungsod sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) kasama ang SM Prime Holdings.
Sa panayam ng SAKSI Ngayon, iginiit ni Heather Pulido, nangunguna sa Save Baguio City Public Market initiative, na hindi sila laban sa modernisasyon, kundi sa posibilidad ng “mallification” kapag SM ang hahawak sa proyekto.
Aniya, kapag natuloy ang PPP deal, ang higit na makikinabang ay ang mall giant na SM at hindi ang lokal na vendors o mga mamimili, turista man o residente.
“Hindi kami laban sa modernisasyon tulad ng inaakusa ng kabilang grupo. Kontra kami sa komersyalisasyon ng palengke kung saan maliban sa usaping pangkalikasan, apektado rin ang isyu ng kultura na pinagyaman ng mamamayan ng Baguio,” ang pahayag ni Pulido.
Sinabi naman ni Atty. Zosimo Abratique, presidente ng Baguio Vendors Market Association, na mawawala na ang karakter ng Baguio kapag iba na ang magiging kabuuang hitsura ng palengke.
“Kapag sinabi kasi natin na Baguio, ito ay hile-hilerang tindahan ng strawberry, Session Road, Burnham Park at ang palengke natin. Isa ito sa ipinaglalaban natin na sa isyung kultural ay mababago na ang pagkakakilanlan ng lungsod,” sabi ni Abratique.
Sa konsultasyon ng mga tutol sa proyekto, payag sila sa renovation basta’t lokal na pamahalaan ang manguna at hindi dambuhalang commercial companies tulad ng SM.
Araw-araw alas-3 ng hapon, noise barrage ang sagot ng mga vendors mula sa iba’t ibang seksyon ng palengke upang ipahayag ang pagtutol, kahit pa si Mayor Benjamin Magalong ang nangunguna sa proyekto.
“Nangako ka sa amin noon Mayor Magalong na kami ang higit na makikinabang sa renobasyon ng palengke, yon pala SM ang payayamanin mo. Nagtiwala kami sa iyo pero bakit ngayon biglang nagbago ang tono mo,” ang sigaw ng isang vendor na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Bukod sa araw-araw na noise barrage, nagtayo rin ng tent ang Save Baguio City Public Market movement upang tumanggap ng mga lagda mula sa lokal na mga residente at turista na tutol sa nasabing proyekto.
(NEP CASTILLO)
66
