SEC. DIZON NG DOTr, MALAS BA?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

KALIWA’T kanan ang nangyayaring mga aksidente ngayon sa kalye na kinasasangkutan ng mga pampubliko at pribadong sasakyan.

Ang pinakahuli nga ay naganap diyan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 kung saan may namatay na 4-taong gulang na batang babae at isang 29-taong gulang na lalaki.

Inararo ng isang Ford Everest ang mga tao na nandoon sa lugar na iyon nang mangyari ang insidente. Ang bata na kasama ang kanyang ina ay inihatid ang kanyang amang OFW na pabalik sa Europa kung saan ito nagtatrabaho.

Patungong Dubai naman ang lalaking biktima para naman daw sa isang business trip nang maganap ang karumal-dumal na insidente.

Sa ating panayam kay Atty. Robby Consunji, isang respetadong mamamahayag sa mundo ng motoring o mga sasakyan, sinabi nito na dahil sa pangyayaring ito ay mahalaga ngayon ang seminar para sa drayber ng sasakyan na magmamaneho ng automatic transmission mula sa manual.

Itinuwid din ni Atty. Consunji ang aking pananaw na mas madaling imaneho ang automatic transmission kaysa manual at sinabing on the contrary, mas kumplikado raw ang sasakyan na may automatic transmission kaysa manual.

Sa tanong naman ukol doon sa bollard o ‘yung bakal na nagsisilbing harang sa mga sasakyan at sa mga pedestrian sa tapat ng terminal 1 na maaaring nakapigil sana sa pag-arangkada ng naturang SUV, sinabi ni Atty. Consunji na kinakailangang imbestigahan ng mga awtoridad kung bakit hindi ito nakabaon sa semento bagkus at may apat na screw lang.

Nakasuhan na ng reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries and damage to property ang driver ng nasabing sasakyan.

Nag-utos naman ng mas malalim ng imbestigasyon ang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Sec. Vince Dizon, sa utos na ng Pangulo.

Bakit parang may balat sa pwet itong si Sec. Vince Dizon at sunod-sunod ang nangyayaring mga aksidente sa kalsada nang siya ay maupong kalihim ng DOTr?

50

Related posts

Leave a Comment