SINIGURO ni Senador Panfilo Lacson na magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado kaugnay ng mga reklamo hinggil sa pamamahagi ng Social Amelioration Program.
Sinabi ni Lacson na maging siya ay nakatanggap ng mga reklamo mula sa mga benepisyaryo ng SAP na sinasabing kinotongan ng ilang barangay officials sa kanilang lugar at ang iba naman ay hindi napagkalooban ng financial assistance kahit benepisyaryo ito.
“Sa Senate hearing sa May 19, kailangang linawin ang pagbibigay ng ayuda. Kasi maraming reklamo sa ground. ‘Yun nga, may di nakakarating. Ang iba hinahati. Sa Cavite lang may nakausap ako, bakit may pamilyang nabigyan ng P6,500 at may P2,000? ‘Yan dapat liwanagin mabuti,” aniya.
“Kasi sabi ng DBM at DOF nai-release na talaga, naibaba na ang P350B+. So dapat i-account ‘yan saan talaga napunta ‘yan? Tinanong namin sa DBM ‘yan ang sabi nila mas magandang makasagot doon ang mga ahensya na nag-distribute ng pondo. Tama ‘yan. Ang DBM mas macro para mag-distribute ng pondo. Ang dapat pagpaliwanagin doon, paano dinistribute ang ganoong pondo at I’m sure sa kasamahan ko rin may reklamo o issue na nakarating sa kanila na gusto rin nila liwanagin tungkol sa pag-distribute ng amelioration fund,” paliwanag pa ni Lacson.
Giit nito, hindi maituturing na isolated ang kaguluhan sa pamamahagi ng ayuda kung kaya’t kailangang maimbestigahan ito.
“Napakarami ang reklamong dumarating sa DSWD. Hindi isolated. Kung isolated lang, pwede natin medyo pikitan ng mata kasi baka medyo na-overlook o medyo may problema sa lugar. Pero kung commonplace, dapat magpaliwanag talaga,” dagdag pa ng senador. NOEL ABUEL
