SITG BINUO SA PANANAMBANG KAY MACACUA SA MAGUINDANAO

INANUNSYO ng Philippine National Police na bumuo ng Special Investigation Task Group na siyang tututok sa imbestigasyon sa pananambang sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Sabado ng hapon.

Sa isinagawang press briefing nitong Lunes ng umaga sa Camp Crame, sinabi ni PNP-PIO chief, PCol. Allen Rae Co, 81 basyo ng bala ang natagpuan sa lugar na pinangyarihan ng pananambang at kabilang sa mga nakuhang basyo ang mula sa 5.56 at 7.62 caliber.

Ayon kay Co, wala namang may nasaktan sa nangyaring pag-ambush kay Macacua at mga kasama nito sa convoy.

Tinitingnan ng PNP kung may kinalaman sa eleksyon ang pananambang dahil nangyari ito sa panahon ng election period para sa kauna-unahang Parliamentary Election.

Sinabi ni Co, magko-convene ang isang komite para alamin kung ituturing na election-related incident ang insidente.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pananambang at tinutukoy ang mga nasa likod nito.

Sa kasalukuyan, mahigit 9,000 pulis ang naka-deploy sa BARMM para tiyakin ang maayos at mapayapang eleksyon.

(TOTO NABAJA)

92

Related posts

Leave a Comment