MISTULANG inamin ng pinuno ng Dangerous Drugs Board (DDB) na napakatalamak ng bentahan at paggamit ng ilegal na droga sa mga bilangguan ng bansa.
Upang seryosohin ng pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), binigyan sila ni DDB Chairman Catalino Cuy ng isang taon upang ‘linisin’ mula sa talamak na bentahan at paggamit ng ilegal na droga sa kani-kanilang kulungan.
Hindi tinukoy ni Secretary Cuy ang eksaktong mga kulungan ng BuCor at BJMP na talamak pa rin ang ilegal na droga.
Sabi ni Cuy, hihingi ng “drug cleared status” o “drug free status” ang mga pinuno ng BJMP at BuCor para sa kani-kanilang kulungan sa loob ng isang taon.
Diin ni Cuy, “The proliferation of illegal drugs and drug related incidents in jails pose a serious threat to the health, reformation and rehabilitation of persons deprived of liberty (PDL).”
Nakabatay sa Philippine Anti-Illegal Drugs Strategy (PADS) ang direktiba ni Cuy kina BuCor Director General Gerald Bantag at BJMP Director Allan Iral.
Ipinaalala rin ni Cuy na obligado ang BJMP at BuCor na magbalangkas ng “Drug-Free Workplace Program Committee” alinsunod sa PADS, upang masawata ang proliperasyon ng ilegal na droga sa mga kulungan ng dalawang ahensiya.
Ani Cuy, ang mga opisyal at tauhan ng BJMP at BuCor na masasangkot sa ilegal na droga ay sasampahan ng kaukulang mga kaso upang maparusahan sila sa krimeng nagawa.
Maging ang mga PDL ay makatitikim din ng parusang itinakda ng batas laban sa pagbebenta at paggamit ng ilegal na droga. (NESLSON S. BADILLA)
240 