SOLONS KAY VP SARA: MAHIYA KA NAMAN

“MAHIYA naman sila!”

Reaksyon ito ng isang militanteng mambabatas kay Vice President Sara Duterte-Carpio nang ikumpara nito ang amang si dating pangulong Rodrigo Duterte kay dating senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr.

“Si Ninoy ay nakipaglaban sa diktadura ni (Ferdinand) Marcos Sr. noon na pumatay ng napakaraming Pilipino at si Digong naman ay nagpapatay din ng napakarami nating mamamayan,” pinunto ni House Deputy Minority Leader France Castro.

Una rito, sinabi ng panganay na anak na babae ni Duterte na posibleng magaya kay Ninoy ang kanyang ama kapag umuwi ito sa Pilipinas na pinalagan ng grupo ni Castro, ng Malakanyan at maging ng pamilya ng yumaong senador.

Noong Agosto 21, 1983, pinatay si Ninoy nang umuwi ito matapos ang ilang taong paninirahan sa Amerika upang ituloy ang kampanya laban sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

Dahil sa pagpapatay kay Ninoy, lalong lumakas ang laban para ibalik ang demokrasyang ipinagkait ng diktador sa sambayanang Pilipino kaya noong Pebrero 25, 1986 ay tuluyang napatalsik ang pamilyang Marcos mula sa Palasyo.

“Nakakainsulto sa mga pamilya ng mga biktima ng martial law at ng drug war ang paghahambing na ito. Ito ay desperadong pagtatangka ng mga Duterte na baguhin ang naratibo ng kasaysayan at linlangin ang mga Pilipino,” ayon naman kay dating ACT-Teachers party-list representative Antonio Tinio.

Sinabi naman ni dating congresswoman Sarah Elago na kailanman ay hindi maaaring tawaging martyr ang dating pangulo dahil ang hinaharap nitong kaso ay crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

“Ang kaso niya sa International Criminal Court ay hindi ‘badge of honor’ kundi isang patunay sa brutal at sistematikong mga extrajudicial killings noong panahon ng kanyang administrasyon,” idiniin ni Elago.

(PRIMITIVO MAKILING)

22

Related posts

Leave a Comment