NANAWAGAN si House Speaker Faustino Dy na itigil na ang pagpapakalat ng “fake news,” na aniya’y hindi nakatutulong sa pagresolba ng mga suliranin ng bansa.
Sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng sesyon ng House of Representatives, iginiit ni Speaker Dy na ang maling impormasyon ay nagsisilbing hadlang sa mga konkretong solusyon ng pamahalaan.
“Sa mga nagtatanim ng pagdududa sa isip ng taumbayan, nakikiusap kami na itigil ninyo na ang pagpapakalat ng fake news dahil hindi ito nakakatulong sa pagresolba sa mga problema ng ating bayan,” pahayag ni Speaker Dy.
Tiniyak ng House Speaker na mananatiling nakatutok ang mga miyembro ng Kamara sa kanilang mandato.
“Wala po kaming ibang hangarin kundi makapaglingkod… gagawin namin ang aming tungkulin nang makatarungan at tapat sapagkat naniniwala kaming walang anumang katumbas ang prinsipyo at dangal,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Speaker Dy na ang bawat hakbang ng Kamara ay nakaangkla sa transparency, accountability, at kapakanan ng publiko.
(TINA MENDOZA)
67 