IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang agarang full government response para tugunan ang epekto ng ashfall mula sa patuloy na pag-aalburuto ng Mayon Volcano, partikular sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig sa Albay.
Ayon sa Malacañang, naka-full swing na ang response operations upang maprotektahan ang kalusugan ng publiko, matiyak ang kaligtasan ng mga residente, at mapanatiling bukas ang mga kalsada at mahahalagang serbisyo.
Agad namang kumilos ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa clearing operations, kabilang ang pag-aalis ng makapal na abo sa mga pangunahing lansangan upang matiyak ang ligtas na biyahe ng mga motorista at responders.
Namamahagi rin ang Department of Health (DOH) ng N95 masks, habang nagde-deploy ng mobile clinics at water stations para tugunan ang respiratory concerns at iba pang health issues dulot ng ashfall.
Sa koordinasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG), tumutulong ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa water spraying at ash clearing operations sa mga apektadong lugar.
Mahigpit ding ipinatutupad ang evacuation efforts sa ilalim ng Office of Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), lalo na sa mga high-risk zones.
Nagbibigay naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng food packs, ready-to-eat meals, at iba pang relief goods sa mga evacuee sa iba’t ibang evacuation centers sa Bicol Region.
Nagbabala rin ang Pangulo sa posibleng pagragasa ng lahar, lalo na kapag umulan, kaya’t iniutos ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga ilog at daluyan ng tubig.
30K Pamilya Apektado
Samantala, umabot na sa mahigit 30,500 pamilya o katumbas ng 102,406 katao ang naapektuhan ng pag-aalburuto ng Mayon Volcano sa lalawigan ng Albay, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Agad pinakilos ng OCD ang mga ahensya sa ilalim ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang tiyakin ang mabilis na paghahatid ng tulong at suporta sa mga lugar na tinamaan ng ashfall.
Kaagad ding bumuhos ang tulong matapos iutos ni Pangulong Bongbong Marcos ang agarang mobilisasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa mga apektadong residente.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkang Mayon at wala pang indikasyon ng pagtataas sa Alert Level 4, bagamat tuloy-tuloy ang paghahanda ng gobyerno at pribadong sektor.
Sa situational report na inilatag ni OCD Officer-in-Charge Jessar Adornado, aabot sa 87 barangay sa Region 5 ang apektado, partikular sa Albay.
Sa nasabing bilang, higit 1,433 pamilya o mahigit 5,000 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers, habang ang iba ay pansamantalang nakikituloy sa mas ligtas na lugar.
Tiniyak ng OCD Region 5 na nagpapatuloy ang kanilang monitoring, koordinasyon, at response operations sa ground.
Nag-deploy na rin ang ahensya ng water trucks at water filtration systems, habang namahagi ng N95 masks at malong sa mga apektadong residente.
Ibinida rin ng OCD ang pinagsamang aksyon ng national at local agencies—kabilang ang road clearing, pamamahagi ng tubig, serbisyong pangkalusugan, at relief assistance—kasabay ng panawagan sa publiko na manatili sa loob ng bahay, magsuot ng face mask, at sumunod sa safety advisories.
(CHRISTIAN DALE/JESSE RUIZ)
66 