ISANG Philippine Army corporal at dalawang sibilyan ang nadakip ng mga awtoridad sa pagbebenta ng baril kasunod ng isinagawang gun buy-bust operation sa Zamboanga City.
Kinilala ang mga arestado na sina Corporal Alkhaizer Balboa, 36; Rodolfo LLenado, Jr., 37, at Remar Hadjiri, 43-anyos.
Ayon sa ulat, naglatag ng buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa mula sa Joint Task Force Zamboanga at local police, kaugnay sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, sa La Terazza Hotel, Gov. Camins Avenue.
Sa nasabing operasyon ay nadakip ang tatlong suspek at nakumpiskahan ng ilang government-issued firearms and ammunition, kabilang dito ang dalawang Colt M16 Armalite rifles, isang M60 machine gun, isang M653 rifle, isang Colt MKIV cal. 45 na may magazine assembly na kargado ng pitong bala, isang Swissvale cal. 45 pistol, 14 boxes ng cal. 5.56 live ammunitions, isang dusted brown envelope na naglalaman ng 800 piraso ng P1,000 bills (buy-bust money), 74 cal. 45 empty shells, isang ammunition case, isang magazine assembly para sa cal. 45 na kargado ng anim na bala, at ammunition box.
Nabatid na naging pakay ng test-buy operation si Corporal Balboa noong Nobyembre 2 na nagkumpirma sa illegal activity ng sundalo, Mula noon ay tinugaygayan na ng mga awtoridad ang aktibidad ni Balboa hanggang sa ikinasa ang buy-bust operation nitong Linggo na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek. (JESSE KABEL)
