BILANG pagsuporta sa pamumuno ng bagong itinalagang hepe ng Pambansang Pulisya na si P/Gen. Dionardo Bernardo Carlos, mas pinaigting ng PNP-Police Regional Office 5 ang kanilang kampanya kontra ilegal na droga.
Patunay rito ang paglulunsad ng high-impact operation laban sa isang drug personality sa Purok-6, Brgy. Bombon, Tabaco City, Albay.
Sa ulat na ipinarating kay P/BGen. Jonnel C. Estomo, pinuno ng PNP-PRO5, ang nasabing operation ay nagresulta sa pagkakatimbog sa suspek na kinilalang si Marion Diaz Rañola, 37, walang asawa at residente ng Brgy. Balogo, Oas, Albay.
Ito ay matapos na positibong bentahan ni Rañola ang poseur buyer ng PNP ng isang pakete na naglalaman ng 50 gramo ng hinihinalang shabu sa halagang P200,000. Umabot naman sa P340,000 ang aktwal na halaga ng nasabing droga.
Si Rañola ay nasa kustodiya ng Tabaco CPS at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Samantala, kinilala naman ni RD Estomo ang pagsisikap ng mga operatiba na magsagawa ng operasyon na kinabibilangan ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 at City Police Drug Enforcement Unit ng Tabaco City Police Station. (JESSE KABEL)
