2027 BUDGET BUBUSISIIN PARA MATIYAK NA BAWAT PISO AY MAPAKIKINABANGAN NG MGA PILIPINO — SPEAKER DY

NANGAKO si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Martes na masusing susuriin ng House of Representatives ang panukalang pambansang badyet para sa 2027 upang matiyak na ang bawat pisong ilalaan ay magdudulot ng konkretong pakinabang sa mga Pilipino.

Sa pormal na pagtanggap ng Kamara sa 2027 National Expenditure Program (NEP), sinabi ni Dy na mananatiling sentro ng proseso ng pagbabadyet ang kapakanan ng mga Pilipino, alinsunod sa tema ng pamahalaan na “People-Centered Growth for an Inclusive and Resilient Future.”

“Hindi sapat na sabihin kung magkano ang ginagastos. Dapat maipakita kung ano ang nagagawa ng bawat piso. Ang bawat piso ay dapat may katumbas na ginhawa para sa bawat Pilipino,” ani Dy sa kanyang mensahe sa seremonya ng turnover ng NEP.

Ayon kay Dy, susuriin ng Kamara ang bawat bahagi ng panukalang badyet at tatanungin ang mga ahensya hindi lamang kung magkano ang kanilang hinihinging pondo kundi kung paano ito gagamitin at kung ano ang konkretong resulta nito.

Batay sa Speaker, tatlong pangunahing tanong ang gagabay sa pagsusuri ng panukalang badyet: saan mapupunta ang pondo, ano ang konkretong mababago nito at paano ito mararamdaman ng ordinaryong Pilipino.

Binigyang-diin ni Dy na ang pambansang badyet ay higit pa sa mga numero at alokasyon dahil nakasalalay dito ang mga serbisyong kailangan ng mga Pilipino, kabilang ang pagkain, kalusugan, edukasyon, agrikultura at trabaho.

“Ang budget na ito ay para sa pamilyang umaasang magiging mas abot-kaya ang presyo ng pagkain; sa magulang na nangangailangan ng maayos na serbisyong pangkalusugan; sa batang nangangarap makapagtapos; sa magsasakang nangangailangan ng suporta; at sa manggagawang naghahangad ng disenteng trabaho at mas patas na pagkakataon,” ani Dy.

“Sila ang dapat maging batayan ng ating mga prayoridad,” dagdag niya.

Sinabi ni Dy na inilatag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang direksyon ng pamahalaan na palakasin ang seguridad at sariling kakayahan ng bansa habang tinitiyak na nakararating ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga higit na nangangailangan.

Mula sa pagkain at enerhiya hanggang sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, trabaho, imprastraktura at kahandaan sa sakuna, sinabi ni Dy na magiging mahalagang instrumento ang 2027 national budget sa pagsasakatuparan ng mga prayoridad ng pamahalaan.

Ngayong nasa Kongreso na ang NEP, sinabi ng Speaker na tungkulin ng Kamara na tiyaking mapapanatili ang mga layuning ito sa buong deliberasyon at maisasama sa pinal na bersyon ng General Appropriations Bill.

Nangako rin si Dy na mananatiling bukas at malinaw ang proseso ng Kongreso sa pagtalakay sa badyet bilang pagpapatuloy ng mga repormang sinimulan noong nakaraang taon.

“Noong nakaraang taon, sinimulan nating ipatupad ang mga reporma gaya ng Budget Amendments and Review Subcommittee, o BARSC, at ipinakilala ang live-streaming ng ating mga bicameral meeting,” ani Dy.

“Ang budget ay pera ng taumbayan. May karapatan silang malaman kung saan ito mapupunta. Sisikapin po natin na maging mas bukas pa ang pagbubuo ng ating national budget,” dagdag niya.

Binigyang-diin din ng Speaker ang panawagan ng Pangulo laban sa pag-aaksaya, maling paggamit ng pondo at korapsyon.

Ayon kay Dy, ang bawat pisong matitipid ay maaaring ilaan sa mga silid-aralan, ospital, pagkain, trabaho, agrikultura at iba pang serbisyong direktang kailangan ng mga Pilipino.

“Iyan ang ating pananagutan: tiyaking ang pondo ay may malinaw na layunin, ang mga programa ay may tunay na pakinabang, at ang bawat desisyon ay may positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino,” ani Dy.

Sa mga susunod na linggo, sinabi ni Dy na masusing susuriin ng mga mambabatas ang NEP, tatanungin ang mga ahensya ng pamahalaan, pakikinggan ang mga stakeholder at ipaaalam sa publiko ang mga naging hakbang sa proseso.

“Sa mga susunod na linggo, magiging masusi ang ating trabaho. Magtatanong tayo. Makikinig tayo. At sisiguraduhin nating malinaw sa publiko ang bawat hakbang ng prosesong ito,” aniya.

Sinabi ni Dy na dadalhin ng Kamara ang hamon ni Pangulong Marcos na tapusin ang mga nasimulan ng pamahalaan at tuparin ang mga pangako nito sa mga Pilipino.

“Para sa Bagong Kongreso, iyan ang layunin ng 2027 budget—isalin ang mga pangako sa programa, ang mga programa na may konkretong epekto, at ang bawat pisong ginagastos sa tunay na pagbabago sa buhay ng ating mga kababayan,” ani Dy.

“Sa dulo, iisa ang ating sukatan: isang budget na tunay na para sa tao at tunay na nararamdaman ng tao.”

“Iyan ang hangarin ng Bagong Kongreso—isang Kongresong bukas, nakikinig, may pananagutan, at laging inuuna ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.”

(TINA MENDOZA)

55

Related posts

Leave a Comment