TERM SHARING, ISA SA MGA OPSYON SA SENATE PRESIDENCY

AMINADO si Senate Minority Leader Franklin Drilon na isa sa mga opsyon ang paglalatag ng term sharing kung hindi magkasundo ang mga senador sa usapin ng Senate Presidency.

Sinabi ni Drilon na may mga pagkakataon na ipinatutupad ang term sharing bilang remedy sa hindi matapos na diskusyon ng liderato.

Samantala, aminado si Drilon na sa mga oras na ito ay wala pa ring malinaw na liderato sa Senado sa 19th Congress dahil ang lahat anya ng usapin ngayon ay ‘fluid’ pa at posibleng sa mga susunod na linggo pa magkaroon ng malinaw na larawan.

Para naman kay Drilon, hindi nagiging mahalaga sa Senado ang endorsement ng lider ng bansa dahil ang mga senador ay may kaparehong mandato sa Presidente na ibinoboto ng buong bansa, may terminong anim na taon at ang lahat ng mamamayan ang kanilang constituents.

Binigyang-diin din ni Drilon na ang isang senate president ay kinakailangang magaling sa kompromiso at alam kung paano makukuha ang consensus ng lahat ng mga senador.

Gayunman, inihayag ni Senate Majority Leader Migz Zubiri na marami sa mga senador ang hindi payag sa term sharing. (DANG SAMSON-GARCIA)

218

Related posts

Leave a Comment