PINALAWIG ng Pilipinas ang travel ban nito sa mga byahero na magmumula sa Pakistan, Bangladesh, Nepal at Sri Lanka sa gitna ng mataas pa ring bilang ng COVID-19 cases.
Sinabi ni Executive Secretary Salvador Medialdea na ang mga byahero mula sa mga nasabing bansa ay hindi papayagan makapasok ng Pilipinas mula Mayo 7 hanggang Mayo 14.
Sakop ng nasabing travel ban ang mga byaherong nanggaling sa Pakistan, Bangladesh, Nepal at Sri Lanka “14 days bago pa ang pagdating ng mga ito sa Pilipinas”.
Nauna rito, ipinagbawal na ng Pilipinas ang pagpasok ng mga manlalakbay na galing sa bansang India dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng namamatay sa COVID-19 sa naturang bansa.
Inanunsiyo nitong Abril 27 ng Malakanyang na ang lahat ng mga biyahero mula India o ‘yaong may mga travel history sa India ay pagbabawalan makapasok sa Pilipinas sa loob ng dalawang linggo.
Epektibo ang travel ban simula Abril 29 hanggang Mayo 14. (CHRISTIAN DALE)
183 