BIYUDA NABUDOL NG ‘GENERATOR’ GANG

LAGUNA – Umabot sa halos P80,000 halaga ng cash at mga alahas ang natangay ng budol-budol gang sa isang 52-anyos na biyuda sa San Pedro City sa lalawigang ito, noong Lunes ng tanghali.

Kinilala ng San Pedro City Police ang biktimang si Melinda Orbeta, taga Southville 3A, Brgy. San Antonio sa nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng biktima sa pulisya, habang siya ay naglalakad, nilapitan siya ng lima katao, kabilang ang isang lola, para ihabilin ang isang bag na umano’y naglalaman ng P1.2 milyon na pambili nila ng Honda generator.

Nakumbinsi ng grupo na magbigay ng pera ang biktima bilang collateral sa iiwanang bag.

Pumayag ang biktima na mag-withdraw ng P58,000 cash na ibinigay sa grupo, gayundin ang kanyang mga alahas na P18,000 ang halaga.

Pagkaraan ay mabilis na umalis ang mga suspek habang natuklasan naman ng biktima na mga ginupit na papel lamang pala ang laman ng iniwang bag.

Sa himpilan ng pulisya, kinilala ng biktima mula sa rouges gallery, ang isa sa mga suspek na si Gina Kadao dela Cruz, 60, taga Brgy. San Tiago, Gen. Trias, Cavite at Brgy. Tambo, Parañaque City.

Ayon sa pulisya matagal nang modus ng grupo ang “paghahabilin ng perang pambili ng generator” sa kanilang mga nabibiktima sa Cavite at Laguna.

Kaya nagbabala ang pulisya sa sinumang malalapitan ng grupo na may parehong modus, na agad magsumbong sa pulisya. (NILOU DEL CARMEN)

300

Related posts

Leave a Comment