TODO-SUPORTA si House Speaker Faustino Dy sa lumalakas na panawagan para maisabatas ang Universal Social Pension para sa mga senior citizen kung saan iginiit nito na may moral na obligasyon ang bansa na kalingain ang mga nakatatandang Pilipino na nag-alay ng kanilang buhay at sakripisyo para sa pamilya at lipunan.
Ito ang ipinahayag ni Dy sa opisyal na turnover ng mga pirma para sa “Labing-Dalawang Milyong Lagda para sa Matatanda”.
Ayon kay Dy, malinaw ang sigaw ng milyun-milyong Pilipino na palakasin ang tulong ng gobyerno sa mga nakatatanda, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga gamot, pagkain, at iba pang pangangailangang medikal.
“Naniniwala po ako na ang tunay na paglilingkod ay nagsisimula sa pakikinig, pag-unawa, malasakit, at pagmamahal,” pahayag ni Dy sa harap ng mga grupo ng senior citizens, mga kongresista, at mga tagasuporta ng panukala.
“Na hindi natin dapat tingnan ang ating mga nakatatanda bilang statistics lamang, kundi bilang mga magulang, lolo at lola, at mga Pilipinong buong buhay nagsakripisyo para sa kanilang pamilya at inang bayan,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan, limitado lamang sa mga mahihirap o “indigent” ang tulong pinansyal ng pamahalaan sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens program, kung saan nakatatanggap ng P1,000 kada buwan ang mga kwalipikadong benepisyaryo. Sakop nito ang mga edad 60 pataas na mahihina na, may sakit, may kapansanan, at walang regular na pensyon o sustentong natatanggap mula sa mga kamag-anak.
Ipinaliwanag ni Dy na ang panukalang Universal Social Pension ay hindi lamang simpleng ayuda kundi isang pagkilala sa dignidad at naging kontribusyon ng bawat senior citizen sa bansa.
“That is why the Universal Social Pension is not simply about assistance—it is about dignity, gratitude, and compassion. Given the costs of medicine, food, and health care, our seniors must be provided support to help them afford all of their basic needs,”
Ipinaalala ni Dy na responsibilidad ng lipunan ang pag-aalaga sa mga mahihina at matatanda, aniya, ang tunay na sukatan ng isang bansa ay kung paano nito pinangangalagaan ang mga pinakamahihirap nitong mamamayan.
Pinasalamatan naman ni Dy ang mga nasa likod ng signature drive at sinabing patunay ito na buhay ang diwa ng pagtulong ng mga Pilipino.
“Kaya saludo po kami sa lahat ng naging bahagi ng ‘Labing-Dalawang Milyong Lagda para sa Matatanda.’ Ang inyong suporta ay patunay na maraming Pilipino ang naniniwalang panahon na upang higit nating palakasin ang pagkalinga sa ating mga senior citizens,” ani Dy. ”
You have shown that genuine compassion, when accompanied by real action, can move a nation to do what is right for those who have spent their lives caring for others.” Dagdag pa nito.
Tiniyak ng Speaker na hindi hihinto ang Kamara sa pagpasa ng mga batas na magpapagaan sa dalahin ng mga lolo at lola sa bansa.
Samantala, higit sa isang milyong pirma na humihiling sa agarang pagpasa ng Universal Social Pension Bill para sa lahat ng seniors ang pormal nang isinumite sa Kamara.
Ang seremonya para sa partial turnover ng “Milyong Lagda Para sa Matatanda: Universal Social Pension, Ngayon Na,” ay pinangunahan ni House Committee on Senior Citizens Chair at United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay.
“We are all part of history in the making,” pahayag ni Aquino-Magsaysay sa kanyang talumpati, kung saan inilarawan niya ang kampanya bilang isang malawakang kilusan ng mga senior citizen para sa matagal nang inaasam na universal pension.
Sa kasalukuyan, ang Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ay nagbibigay lamang ng ₱1,000 buwanang ayuda para sa mga mahihirap, mahihina, o may kapansanang Pilipino na edad 60 pataas na walang kita, pensyon, o suporta mula sa pamilya subalit sa ilalim ng panukala, ang pension ay para sa lahat na basta tumuntong ng edad na 60 anyos.
Ang signature campaign ay sinimulan noong Marso 18, 2026.
(TINA MENDOZA)
48 