CLICKBAIT ni JO BARLIZO
TIYAK ko may naimbudo at may natuwa sa mga panukalang ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong taon.
Isa si Mang Teban sa nawindang sa balita. Kasi naman, desidido siyang tumakbo sa pagkakapitan ng kanilang barangay para sa gasgas nang “pagbabago” sa liderato at serbisyo sa mga kanayon niya.
Si Kap naman, kasama ang mga kagawad, ay palihim na natuwa.
Lalawig pa ang trangko nila sa puwesto nang hindi na magbabaka-sakali at hindi na maglalabas, as in gagastos, ng bungkos na kaperahan.
Noong isang taon, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12232, para opisyal na ipinagpaliban ang halalan mula sa orihinal na Disyembre 5 na petsa patungong Nobyembre 2, 2026.
Makalipas ang isang taon ay heto na naman ang mga panukalang iatras ang BSKE.
Nakapostura na sana ang mga susuong sa pilian sa barangay kaso eto, higit sa 60 miyembro ng Kamara ang nagtutulak na ilipat sa Nobyembre 2028 ang BSKE dahil sa “energy emergency” raw.
Ang pagsasagawa ng eleksyon anila ay mahal o magastos.
Inihain naman ni Sen. Chiz Escudero ang Senate Bill No. 2387, na naglalayong gawing limang (5) taon ang termino ng mga opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Kapag naisabatas ang panukala, ang susunod na regular na Barangay at SK Elections (BSKE) ay posibleng ganapin na sa 2028.
Ayon kay Escudero, makatutulong ang panukala upang mapanatili ang pagpapatuloy ng pamamahala at mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga opisyal sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto sa kanilang mga komunidad.
Ituon daw ang atensyon ng mga lokal na opisyal sa serbisyo publiko kaysa paghahanda para sa mga susunod na eleksyon.
Naku, nakaiwas na sa gastos ang mga nakapwesto, may dalawang taon pa silang kukubra ng honoraria.
Ang suwerte nga naman, kusang lalapit kahit sa iba, na sa serbisyong wagas kuno kumakapit.
Kailangan bang mapalawig ang termino ng mga lokal na opisyal upang maayos na maipatupad ang mga programa sa nayon?
Aba, hindi ang haba ng pag-upo sa trono ang sukatan ng tunay na serbisyo at kalinga sa nasasakupan. Ang sinseridad at walang patid na aksyon kahit sa maikling panahon ang timbangan ng kakayahang mamuno sa komunidad.
Oo, tungkulin ng pamahalaan na protektahan ang mamamayan, pero tama bang ipagpaliban ang halalan dahil sa energy emergency at mataas na presyo ng produktong petrolyo?
Sabagay, may kanya-kanyang pananaw ‘yan, may debatehan.
Pero dapat ba o hindi?
Isa ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa sumasalungat sa pagpapaliban ng BSKE. Anila, ang paulit-ulit na pagpapaliban ng eleksyon ay sumisira sa karapatan ng mga botante, at magpapalawig sa termino ng mga lokal na opisyal na walang demokratikong mandato.
Kinontra na rin ni Senate President Pro Tempore Vicente Tito Sotto III ang panukala ni Escudero.
Aniya, masasayang ang walong bilyong pisong pondo na inilaan para sa halalan ngayong taon.
Sa impormasyon kasi ni Sotto ay sinimulan nang gastusin ng Comelec ang nabanggit na pondo bilang paghahanda sa nalalapit na halalan.
Para kay Mang Teban: Ituloy ang halalan, pero sa ibang nakasalang sa kaharian ng kanayunan, dalawang taon pa ang hirit dahil sa higpit ng budget, emergency at pamahal nang pamahal na langis.
44 