US SASAGUTIN ANG GASTUSIN SA PAGPAPA-EXTRADITE KAY QUIBOLOY

SASAGUTIN ng Estados Unidos ang gastusin sa paglilipat kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at dalawa pa nitong kapwa respondent sakaling maaprubahan ang extradition request laban sa kanila.

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, walang babayarang aktuwal na transfer cost ang Philippine government dahil sagot ito ng requesting state o ng US government.

Aniya, ang sagot lamang ng Pilipinas ay ang pagproseso at paghahain ng extradition case sa bansa.

“Under, I recall, the extradition treaty properly, ‘yung cost ng pag-file dito sa Philippines will be shouldered by the Philippines. But yung actual transfer, it would be shouldered by the requesting state, or in this case, the United States,” ani Chan.

Kinumpirma rin ni Chan nitong Huwebes na natanggap na ng DOJ ang pormal na extradition request mula sa US government.

Kasalukuyan nang sinusuri ng DOJ ang mga dokumentong isinumite ng US upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa Philippine-US Extradition Treaty at Philippine Extradition Law.

“We are reviewing the submissions made by the US government to ensure its compliance with the Philippine-US extradition treaty and the Philippine Extradition law,” ani Chan.

Samantala, sinabi ng DOJ na target nitong matapos sa loob ng hanggang anim na buwan, at hindi umabot ng isang taon, ang proseso sakaling maisampa ang petition for extradition laban kay Quiboloy at dalawa pang respondents.

Ipinaliwanag ni Chan na kakaunti lamang ang pangunahing elementong kailangang matukoy sa pagsusuri ng DOJ sa extradition request.

Kabilang dito kung iisang tao ang tinutukoy sa extradition request ng US at kung ang taong hinihiling nitong ma-extradite ay nasa Pilipinas.

Susuriin din kung ang mga criminal case na isinampa laban sa mga respondent sa US ay may katumbas na kaso sa Pilipinas o kung ang mga ito ay maituturing pa ring krimen sa ilalim ng batas ng bansa na maaaring maging batayan ng extradition.

(JULIET PACOT)

109

Related posts

Leave a Comment