NAKA-ALERTO 24/7. Walang tigil sa pagtatrabaho ang mga crew ng Meralco upang matiyak ang normal na serbisyo ng kuryente sa mga customer sa kabila ng malalakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na Habagat. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasagawa ng power restoration sa Meycauayan, Bulacan.
Kasabay ng patuloy na nararanasang mga pag-ulan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, pinatunayan ng Manila Electric Company (Meralco) na kaagapay ito ng bayan ngayong tag-ulan sa pamamagitan ng pagtiyak na handa 24/7 ang mga crew nito para tugunan ang mga alalahanin sa serbisyo ng kuryente at pag-anunsyo ng bawas-singil ngayong Agosto.
Binibigyang prayoridad ng Meralco, sa pangunguna ni Manuel V. Pangilinan, ang kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad na pinaglilingkuran nito kaya naman aktibong nananawagan ang kumpanya sa mga customer na sundin ang mga panuntunan sa ligtas na paggamit ng kuryente lalo na sa mga lugar na binabaha.
Sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng Habagat, tinatayang nasa 98,000 na customer ang naapektuhan ng antala sa serbisyo ng kuryente dahil sa pinsala sa mga pasilidad at baha. Agad naman na naibalik ang serbisyo ng kuryente sa karamihan ng lugar dahil sa mabilis na aksyon ng Meralco kaya naibababa rin ang bilang ng mga apektadong customer sa 18,000 o mas mababa sa 1% ng kabuuang customer base sa loob lamang ng dalawang araw, sa kabila ng masamang panahon.
“Patuloy namin binabantayan ang lagay ng panahon at tinitiniyak namin sa aming mga customer na hindi titigil ang aming mga crew hangga’t hindi naibabalik sa normal ang serbisyo ng kuryente sa lahat,” ani Meralco Vice President and Head of Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
NAKA-ALERTO 24/7. Walang tigil ang pagsusumikap ng mga crew ng Meralco para ligtas na maibalik sa normal ang serbisyo ng kuryente sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Habagat. Makikita sa larawan ang mga crew ng Meralco na nagsasagawa ng power restoration sa Imus, Cavite.
Habang nagpapatuloy ang tag-ulan, pinaalalahanan ng Meralco ang publiko na maging maingat sa paggamit ng kuryente lalo na kung mayroong pagbaha:
- Patayin ang main power switch o circuit breaker. Tiyaking tuyo ang kamay at paa bago humawak ng anumang electrical equipment.
- I-unplug ang lahat ng appliance at patayin ang mga permanenteng nakakabit na kagamitan. Kung maaari, tanggalin ang mga bombilya.
- Linisin ang putik at dumi sa mga kagamitang elektrikal gamit ang rubber gloves at sapatos na may rubber soles.
- Siguraduhing tuyo ang lahat ng kable, saksakan, at kagamitan bago gamitin.
- Ipasuri sa lisensyadong electrician ang mga appliance at wiring system bago muling gamitin. Huwag gamitin ang mga kagamitang elektrikal na nasira ng baha.
“Lubos ang aming pasasalamat sa aming matatapang at tapat na linecrew na walang pagod na nagtatrabaho sa kabila ng panganib. Dahil sa kanilang sipag at tiyaga, ligtas na naibalik sa normal ang serbisyo ng kuryente sa mga komunidad na aming pinaglilingkuran. Nagpapasalamat din kami sa aming mga customer sa kanilang pang-unawa at tulong para maiparating sa amin ang mga alalahanin sa serbisyo ng kuryente kaya mabilis namin itong natugunan,” ani Zaldarriaga.
Bawas-singil sa kuryente ngayong Agosto
Inanunsyo rin ng Meralco ang P0.0428 kada kWh na bawas-singil sa kuryente ngayong Agosto kaya nasa P14.7833 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.
Para sa mga residential customer ng Meralco na kumokonsumo ng 200 kWh, ang bawas-singil na ito ay katumbas ng humigit-kumulang P9 na tapyas sa kabuuang bill sa kuryente. Mas malaki naman ang bawas sa kabuuang bill ng mga customer na kumokonsumo ng 300 kWh, 400 kWh, at 500 kWh. Katumbas ito ng tapyas na P13, P17, at P21 ayon sa pagkakasunod.
“Umaasa kaming makatutulong ang bawas-singil na ito sa aming mga customer. Makakaasa sila na patuloy na maghahatid ang Meralco ng ligtas, tuluy-tuloy, at maaasahang serbsiyo ng kuryente hindi lamang ngayong tag-ulan kundi sa buong taon,” ani Zaldarriaga.
Ang P9.5 bilyong refund na inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pangunahing dahilan ng kabuuang bawas-singil. Katumbas ito ng P0.5861 kada kWh para sa mga residential customer at ipatutupad sa loob ng anim na buwan simula ngayong Agosto.
Saklaw ng refund ang diperensya sa pagitan ng Actual Weighted Average Tariff (AWAT) ng Meralco at ng inaprubahang distribution tariff para sa mga buwan ng Enero hanggang Disyembre 2025. Makikita ng mga customer ang refund bilang “AWAT Refund/(Collect) 2” sa distribution portion ng kanilang bill simula ngayong buwan. Dadagdag ito sa P0.4278 kada kWh na refund na kasalukuyan nang ipinapatupad ng Meralco.
“Gaya ng ipinaliwanag ng regulator, ang refund na ito ay resulta ng pagkaantala sa rate reset process ng mga distribution utility sa bansa kabilang ang Meralco at isinumite namin ito alinsunod sa umiiral na regulasyon. Umaasa kaming makatutulong ito sa aming mga customer at tinitiyak namin ang maayos na pagpapatupad nito,” ani Zaldarriaga.
Natabunan ng refund ang pagtaas ng ilang pass-through charges gaya ng mas mahal na ancillary service charge mula sa Reserve Market na ibinabayad sa National Grid Corporation (NGCP) pati na rin ang mas mataas na generation charge na ibinabayad naman sa mga power supplier. Nagtala rin ng pagtaas ang mga buwis at iba pang singil, kabilang na ang Feed-In Tariff Allowance (FIT-All).Samantala, nananatiling suspendido ang koleksyon ng Green Energy Auction Allowance (GEA-All) ngayong Agosto alinsunod sa direktiba ng ERC.
Ang mga pass-through charges para sa generation, transmission at ancillary service ay binabayaran ng Meralco sa mga power supplier at NGCP, habang ang buwis, universal charges, FIT-All at GEA-All ay inire-remit sa pamahalaan.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
79 

