MARIING kinondena ni Senator Mark A. Villar ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University nitong Martes na ikinasawi ng dalawang estudyante, kasabay ng panawagan para sa agarang hakbang laban sa karahasan sa mga paaralan.
Batay sa mga paunang ulat, nangyari ang pamamaril dakong alas-8:30 ng umaga sa loob ng paaralan. Dalawang indibidwal ang nasawi sa insidente, kabilang ang hinihinalang gunman, habang dalawa pang indibidwal ang iniulat na nasugatan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong pangyayari, kabilang ang motibo at kung paano nakapasok sa paaralan ang armas.
“Lubos tayong nalulungkot at nababahala sa nangyaring pamamaril sa loob mismo ng isang paaralan sa Zamboanga City. Mariin nating kinokondena ang anomang uri ng karahasan sa ating mga paaralan,” ani Villar.
Nagpaabot din siya ng pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at ipinagdasal ang agarang paggaling ng mga nasugatan at ng buong komunidad ng paaralan na naapektuhan ng trahedya.
Binigyang-diin ng senador na higit na nakababahala ang insidente dahil nangyari ito sa isang lugar kung saan dapat ligtas at protektado ang mga kabataan.
“Walang magulang ang dapat matakot na baka hindi na makauwi nang ligtas ang kanilang anak mula sa paaralan. Ang ating mga paaralan ay dapat manatiling ligtas na lugar kung saan malayang makapag-aaral, uunlad, at makakamit ng ating mga kabataan ang kanilang mga pangarap nang walang takot,” ani Villar.
Ayon kay Villar, ipinakikita ng insidente ang pangangailangan para sa mas komprehensibong sistema ng school safety, kabilang ang pagpapalakas ng seguridad, maagang pagtukoy sa mga posibleng banta, emergency preparedness, guidance services, psychosocial support at agarang intervention para sa mga estudyante.
“Hindi na natin maaaring hintayin na may masaktan o mawalan ng buhay bago tayo kumilos. Kailangan nating matukoy nang maaga ang mga banta, palakasin ang seguridad sa ating mga paaralan, at tiyaking mayroong sapat na gabay at suporta para sa ating mga estudyante,” dagdag niya.
Muling nanawagan si Villar para sa pagpasa ng Senate Bill No. 2321 o ang panukalang LIGTAS Act, na naglalayong magtatag ng komprehensibong sistema para sa kaligtasan at seguridad ng mga paaralan sa basic education sa buong bansa.
Kabilang sa panukala ang mas matibay na sistema sa pagtukoy at pag-uulat ng mga banta, koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan at law enforcement agencies, emergency response protocols, agarang pagbibigay-alam sa mga magulang, first-aid preparedness, regular na emergency drills at crisis counseling.
Binigyang-diin din niya ang Senate Bill No. 2133 o ang panukalang Students’ Guidance Counseling Act, na naglalayong palakasin ang guidance at school-based mental health services at gawing mas accessible sa mga estudyante ang mga kwalipikadong propesyonal, preventive programs, referral mechanisms at intervention.
“Ang kaligtasan sa paaralan ay hindi lamang tungkol sa pagbabantay sa mga gate at silid-aralan. Kailangan din nating magkaroon ng sistema na kayang makakita ng mga babalang senyales at mga taong handang makinig, gumabay, at tumulong sa ating mga estudyante bago pa lumala ang isang sitwasyon,” ani Villar.
“Sa bawat trahedyang nangyayari sa loob ng paaralan, hindi sapat ang pakikiramay lamang—kailangan itong samahan ng konkretong aksyon,” dagdag niya.
(DANNY BACOLOD)
103 