FAJARDA, HINDI NA IPATATAWAG NG PROSEKUSYON MATAPOS MA-STROKE

HINDI na ipatatawag ng House prosecution panel ang disbursing officer ng Department of Education (DepEd) na si Edward Fajarda bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa humanitarian consideration matapos itong makaranas ng stroke.

Ayon kay Private Prosecutor Rey Robles, ibinatay ng prosecution team ang desisyon sa pinakahuling medical update kay Fajarda, kung saan sinabi ng kaniyang mga doktor na nangangailangan pa siya ng 30 araw na recovery period.

“In view of the latest medical update and the confirmation by the doctors of the Senate, as a humanitarian consideration, we are going to dispense with the testimony of the witness and we wish him well,” ani Robles.

Dahil dito, ni-recall ni Impeachment Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero ang subpoena na una nang inilabas laban kay Fajarda.

Aminado si Robles na marami pa sana silang itatanong kay Fajarda at batid niyang nais ding magtanong ng mga senator-judge, ngunit nagpasya ang prosekusyon na huwag na itong ipatawag dahil sa kalagayan ng kanyang kalusugan.

Bago pormal na bawiin ang subpoena, hiniling muna ni Robles na maipakita sa mga senator-judge ang ilang bahagi ng naunang testimonya ni Fajarda sa House inquiry noong Nobyembre 25, 2024.

Layunin nitong maipakita ang naging pahayag ni Fajarda hinggil sa perang ibinibigay kay DepEd security officer Col. Dennis Nolasco at kung sino ang nag-utos kay Nolasco na humawak ng naturang pondo.

Pinayagan ni Escudero si Robles na tukuyin ang petsa at pahina ng transcript. Batay sa binasang bahagi ng transcript, sinabi umano ni Fajarda na lingguhang ibinibigay ang pera at umaabot sa ₱4 milyon hanggang ₱6 milyon ang halaga nito kada linggo.

Binasa rin ni Robles ang mga sagot ni Fajarda nang tanungin kung siya mismo ang nag-withdraw at nagbigay ng pera kay Nolasco. Sumagot umano ito ng “oo” nang tanungin kung si Nolasco lamang ang taong binigyan niya ng pera.

Binasa rin ang bahagi ng transcript kung saan tinanong kung sino ang nag-utos kay Nolasco na mag-disburse ng pondo. Sa naturang transcript, binanggit umano ni Fajarda si Vice President Sara Duterte.

Samantala, tatlo na lamang ang testigong ihaharap ng prosekusyon upang patunayan ang umano’y illegal na paggamit ng confidential funds.

Kabilang dito sina Police Maj. Jovelyn Magay, dating DepEd Assistant Secretary Atty. Sunshine Fajarda at Commission on Audit (COA) official Bresilio Sabaldan.

Sinabi ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro na target nilang tapusin ang kanilang presentasyon sa ilalim ng Article I sa Miyerkules, Setyembre 9.

(TINA MENDOZA)

85

Related posts

Leave a Comment