VP SARA SINAMPAHAN NG 3 COUNTS OF GRAVE THREAT SA QC RTC

OPISYAL nang isinampa ng Department of Justice (DOJ) sa Office of the Clerk of Court ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang tatlong bilang ng kasong Grave Threat laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng umano’y pagbabanta nito sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

Kinumpirma ito ni DOJ Presidential Spokesman Atty. Polo Martinez, na nagsabing nakitaan ng prima facie evidence at matibay na ebidensya ang umano’y pagbabanta ng Vice President na nakuhanan sa video.

Isinampa ang kaso nitong Agosto 11, 2026, bandang ala-1:30 ng hapon.

Batay sa inihaing reklamo, muling sinuri ng mga awtoridad ang naging pahayag ni Vice President Duterte na umano’y nag-utos siyang kumuha ng isang taong babayaran upang ipapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Araneta-Marcos at dating Speaker Romualdez.

Ang naturang pahayag ay ginawa umano ng Vice President dalawang taon na ang nakalipas at kasalukuyang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Inirekomenda ng DOJ ang P120,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ng Vice President.

Ayon sa DOJ, may cybercrime component ang tatlong bilang ng Grave Threat dahil gumamit umano si Duterte ng video sa paghahayag ng salitang “assassin” kaugnay nina Pangulong Marcos, First Lady Araneta-Marcos at dating Speaker Romualdez.

Kumbinsido naman si Martinez na walang koneksyon at hindi maaapektuhan ng isinampang kaso sa QCRTC ang impeachment trial laban sa Vice President sa Senate impeachment court.

Magkaiba aniya ang proceedings o proseso ng dalawang kaso kaya walang kaugnayan ang mga ito at hindi makaaapekto sa isa’t isa.

(JULIET PACOT)

70

Related posts

Leave a Comment