PERSONALAN na ang word war sa pagitan nina Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano at Senador Panfilo Ping Lacson.
Pinakahuling nagbigay ng pahayag ay si Lacson makaraan anyang atakihin ni Cayetano ang kanyang integridad kaya’t tiniyak na lalaban siya para ipagtanggol ito.
Kasabay nito, ibinunyag ni Lacson na binibilang niya ang mga impormante at testigo na handang magbigay ng impormasyon at ebidensyang maaaring magpakulong kay Cayetano.
“My integrity is my first and last line of defense and I will fight to defend it with all my might. Sen Cayetano has crossed the line by attacking it,” pahayag ni Lacson.
“As of this morning, I’m still counting informants and witnesses, directly or through intermediaries, willing to provide information and evidence to put him in his proper place – the Payatas, QC jail,” dagdag niya.
Una rito, kinuwestiyon ni Cayetano ang pagtaas ng idineklarang net worth ni Lacson, na aniya’y tila nadoble batay sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) nito noong Hunyo 30, 2025.
Inilarawan din niya ang kanyang sarili bilang isang crusader laban sa korupsyon sa pamamagitan ng kanyang “KKK” o “Katotohanan, Konstitusyon at (Paglaban sa) Korapsyon.
Sinagot na rin ni Lacson si Cayetano at iginiit na lehitimong napagkakitaan ang kanyang yaman sa pamamagitan ng mga pribadong negosyo at hindi siya kailanman gumamit ng budget insertions o tumanggap ng kickbacks.
Ibinunyag din ni Lacson na may mga ghost flood control project sa Taguig City, na political bailiwick ni Cayetano, at idinagdag na ang city engineer nito ay isang “self-styled BGC boy” na nagsusugal ng malalaking halaga sa maraming casino sa Metro Manila.
(DANG SAMSON-GARCIA)
122 