PINALAGAN ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela ang pahayag ni Senador Robin Padilla kaugnay ng AI-generated video mula sa Chinese state media na naglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
Ayon kay Tarriela, insulto sa mahigit 26 milyong Pilipinong bumoto kay Padilla ang pagtanggap ng senador sa naturang paglalarawan.
Iginiit din ng opisyal na ang transparency initiative ng PCG ay hindi “wartime propaganda” kundi isang paraan upang maipakita sa publiko ang patuloy na pangha-harass ng China sa mga mangingisdang Pilipino at sa mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.
“Senator Robin Padilla, with all due respect, our transparency initiative is not wartime propaganda. It is simply a means to expose Chinese aggression and harassment—particularly against our Filipino fishermen and our PCG and BFAR vessels,” ani Tarriela.
Dagdag pa niya, hindi niya kailanman matatanggap ang paglalarawan sa mga Pilipino bilang mga unggoy.
“Ako po, bilang Pilipino, ay hindi kailanman tatanggapin na unggoy ang aking lahi—at hindi ko rin matatanggap na unggoy ang mga susunod pang salinlahi ng ating bansa. Ang tunay na paggalang sa ating lahi ay ang ipagtanggol ito, hindi ang tanggapin ang pang-iinsulto,” ani Tarriela.
Nauna rito, sinisi ni Padilla si Tarriela sa umano’y paglala ng wartime propaganda kasunod ng pagkalat ng AI-generated video ng Chinese state media.
Sa isang social media post, sinabi ng senador na, “People are all monkeys of different colors,” at inihalintulad ang mga Pilipino, Chinese at Japanese sa magkakaibang kulay ng iisang lahi.
(JESSE RUIZ)
109 