₱980-M SMUGGLED NA YOSI, NASABAT NG BOC SA CEBU

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang ₱980 milyong halaga ng smuggled cigarettes na nakatago sa 25 container vans sa isang private wharf facility sa Mandaue City, Cebu.

Ayon sa BOC, nadiskubre ang mga pinaniniwalaang puslit na sigarilyo matapos ang ikinasang enforcement operation sa naturang pasilidad.

Noong Miyerkoles, nagpalabas ang ahensya ng Letter of Authority at Mission Order sa ilalim ng Section 224 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) upang inspeksyunin ang 25 container vans.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), alinsunod sa direktiba ni President Ferdinand Marcos Jr. laban sa smuggling.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patunay ang operasyon ng patuloy na kampanya ng Aduana laban sa illicit tobacco trade at iba pang uri ng smuggling.

“Malinaw ang mensahe ng operasyong ito. Hindi titigil ang BOC sa kampanya laban sa illicit tobacco trade at lahat ng uri ng smuggling. Patuloy naming palalakasin ang intelligence-driven enforcement operations katuwang ang ating partner agencies upang mabuwag ang smuggling networks, maprotektahan ang mga lehitimong negosyo at mapangalagaan ang pondo ng bayan,” ani Nepomuceno.

Patuloy ang follow-up investigation ng BOC Intelligence and Investigation Service upang matukoy ang pinagmulan ng shipment at ang mga nasa likod ng malawakang smuggling operation.

Samantala, tiniyak ng Bureau of Customs-Port of Cebu, sa pamumuno ni District Collector Alexandra Yap-Lumontad, na ipagpapatuloy nito ang mas pinaigting na intelligence-driven enforcement operations laban sa smuggling sa kanilang nasasakupan.

(JESSE RUIZ)

93

Related posts

Leave a Comment