₱41M HALAGA NG ILEGAL NA DROGA IDINAAN SA PHILPOST, NASABAT NG BOC AT PDEA

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC), sa pakikipagtulungan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine Postal Corporation (PHLPost), ang 39 na international inbound parcels na naglalaman ng ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit ₱41 milyon.

Ayon kay Bureau of Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng Aduana sa border protection at laban sa smuggling, partikular sa pagpupuslit ng ilegal na droga.

Personal na sinuri ni Nepomuceno ang iba’t ibang uri ng dangerous drugs na nasabat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa tulong ng PDEA, PHLPost, at iba pang law enforcement agencies.

Na-flag ang mga kontrabando matapos dumaan sa customs profiling, x-ray screening, K9 inspection, at physical examination.

Kabilang sa mga nasabat ang limang inbound parcels mula sa India na nadiskubreng naglalaman ng crystal meth o methamphetamine hydrochloride o shabu na may kabuuang timbang na 4,344 gramo at tinatayang street value na ₱29.539 milyon.

Samantala, ang natitirang 34 inbound parcels na nagmula sa United States, Spain, Germany, Canada, Netherlands, at United Kingdom ay naglalaman ng iba’t ibang uri ng iligal na droga kabilang ang 5,659 gramo ng marijuana o “kush” na nagkakahalaga ng ₱8.488 milyon at 707 gramo ng ecstasy na may tinatayang halaga na ₱3.004 milyon.

Ang mga inbound parcel ay nakapangalan sa mga recipient sa Metro Manila, Cavite, Laguna, Pampanga, Cebu, Cagayan de Oro, Surigao, Antique, at iba pang bahagi ng bansa.

Ang lahat ng nakumpiskang droga ay isinailalim na sa kustodiya ng PDEA para sa laboratory examination at karagdagang imbestigasyon.

“Kami ay lubos na nagpapasalamat sa PHLPost, PDEA, at sa NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group. Makakaasa ang publiko na lalo pang palalakasin ng BOC ang pakikipag-ugnayan sa mga partner agencies upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang ganitong uri ng kontrabando at na mananagot sa batas ang sinumang lalabag dito,” ayon kay Nepomuceno.

(JESSE RUIZ)

89

Related posts

Leave a Comment